Sunday, April 19, 2026

Juror No 2


Sa Savannah, Georgia, si Justin Kemp ay isang journalist at recovering alcoholic na natawag para maging juror. Sinubukan niyang umiwas kasi malapit nang manganak ang asawa niyang si Ally, at delikado ang pagbubuntis nito matapos ang nakaraang miscarriage. Pero napasama pa rin siya sa jury ng isang murder case.

Ang kaso ay tungkol kay Kendall Carter na nakipag-away sa boyfriend niyang si James Sythe sa isang bar isang taon na ang nakalipas. Umalis si Kendall, at kalaunan natagpuan ang bangkay niya sa ilalim ng tulay. Si Sythe ang kinasuhan sa pagpatay.

Ang prosecutor na si Faith Killebrew ay gustong-gustong manalo sa kaso dahil makakatulong ito sa kandidatura niya bilang district attorney. May mga witness na nagsasabing lasing at magulo si Sythe nung gabing iyon, at sinundan niya si Kendall. Ayon sa coroner, ang mga sugat ni Kendall ay parang galing sa pambubugbog, at may mga taong nagsabi na may history siya ng karahasan. May isang witness pa na nagsabing nakita si Sythe malapit sa pinagtapunan ng bangkay.

Pero habang tumatagal, nare-realize ni Justin na baka siya ang totoong nakapatay kay Kendall. Nandoon din siya sa bar nung gabing iyon. Pauwi na siya nang may nabangga siya gamit ang kotse. Bumaba siya para tingnan, pero inakala niyang usa lang iyon kaya umalis na siya.

Nabahala siya na baka may inosenteng makulong, kaya humingi siya ng payo sa AA sponsor niyang si Larry na isa ring abogado. Sinabi ni Larry na kung aamin siya, malamang hindi siya paniwalaan na sober siya dahil sa past DUI cases niya, at siguradong makukulong siya. Kaya nagdesisyon si Justin na itulak na ma-acquit si Sythe.

Sa simula, karamihan sa jurors ay naniniwalang guilty si Sythe. Pero unti-unting kinumbinsi ni Justin ang iba na suriing mabuti ang ebidensya. Si Harold, isang retired detective, ay nagsabing posibleng biased ang eyewitness. May nagsabi ring mahina ang visibility nung gabing iyon, at may medical student na nagsabing puwedeng hit-and-run ang dahilan ng mga sugat ni Kendall.

Habang mas maraming jurors ang nagdududa, kinakabahan si Justin na baka mabunyag ang totoo. Si Harold naman ay lumabag sa rules at nag-imbestiga ng mga car repair records, kung saan kasama ang kotse ni Justin. Kaya isinumbong ni Justin si Harold, at tinanggal ito sa jury.

Samantala, nagsisimula na ring magduda ang prosecutor sa kaso, lalo na nang malaman niyang maaaring na-influence ng pulis ang eyewitness. Sinuri niya ang repair records at nakita ang kotse ni Justin—pero nakapangalan ito kay Ally. Pinagtakpan siya ni Ally, pero kalaunan kinonfront niya si Justin, at inamin nitong nasa bar siya nung gabing iyon pero hindi siya uminom.

Ngayong alam na ni Ally ang posibleng nangyari, nagkasundo sila na protektahan ang pamilya nila. Sinubukan ni Justin na mauwi sa hung jury ang kaso, pero binalaan siya ni Larry na puwedeng maulit lang ang trial.

Sa huli, may isang juror na ayaw baguhin ang guilty vote. Kaya binaliktad ni Justin ang sitwasyon—kinumbinsi niya ang iba na bumoto na rin ng guilty para maging unanimous. Nahatulan si Sythe ng life imprisonment.

Pagkatapos, nalaman ng prosecutor ang koneksyon ni Justin at kinompronta siya. Sinabi niyang may inosenteng nakulong habang ang totoong may sala ay malaya. Pero iginiit ni Justin na may violent history si Sythe, habang siya ay mawawalan ng pamilya at buhay dahil sa isang hindi sinasadyang pangyayari. Sinabi rin niyang makakasira sa career ng prosecutor kung aaminin nitong mali ang kaso.

Nagpatuloy ang buhay—nanganak si Ally, ibinenta ni Justin ang kotse, at pakiramdam niya ay makaka-move on na siya.

…hanggang sa dumating sa pintuan nila ang prosecutor.


 

No comments:

Post a Comment