Pag-usapan natin ang paghihintay. Naghintay si Phil Stringer ng labing-walong oras bago makasakay sa isang eroplano na naantala dahil sa mga bagyo. Ngunit sulit ang kanyang pasensya at pagtitiis. Hindi lang siya nakalipad papunta sa kanyang destinasyon at nakarating sa oras para sa mga mahahalagang pulong sa trabaho, siya rin ang nag-iisang pasahero sa flight! Ang lahat ng iba pang mga pasahero ay sumuko o gumawa ng iba pang mga plano. Binigyan siya ng mga flight attendant ng kahit anong pagkain na nais niya, at dagdag pa ni Stringer, “Umupo ako sa front row, siyempre. Bakit hindi, kung solo mo ang buong eroplano?” Tunay na sulit ang paghihintay sa ganitong resulta.
Si Abraham ay nakaranas din ng tila napakahabang paghihintay. Noong siya ay kilala pa bilang Abram, sinabi sa kanya ng Diyos na gagawin Niya siyang "isang dakilang bansa" at na "ang lahat ng tao sa lupa ay pagpapalain sa pamamagitan" niya (Genesis 12:2-3). Isang problema para sa isang pitumpu’t limang taong gulang na lalaki (talata 4): paano siya magiging isang dakilang bansa kung wala siyang tagapagmana? Sa paglipas ng panahon, nagkulang din ang kanyang paghihintay. Sinubukan nilang mag-asawa na sina Sarai na "tulungan" ang Diyos na tuparin ang Kanyang pangako gamit ang ilang mga maling hakahaka (tingnan ang 15:2-3; 16:1-2). At nang siya ay "isang daang taong gulang . . . ipinanganak si Isaac sa kanya" (21:5). Ang kanyang pananampalataya ay kinilala kalaunan ng manunulat ng Hebreo (11:8-12).
Mahirap ang maghintay. At tulad ni Abraham, maaaring hindi natin ito magawa nang perpekto. Ngunit sa ating pananalangin at pagtitiwala sa mga plano ng Diyos, nawa’y tulungan Niya tayong magtiyaga. Sa Kanya, palaging sulit ang paghihintay.
No comments:
Post a Comment