Noong pito pa lang ang apo kong si Eliana, nakakita siya ng video sa kanyang paaralan tungkol sa isang orphanage sa Guatemala. Sinabi niya sa kanyang ina, "Kailangan nating pumunta doon para tulungan sila." Sagot ng mommy niya, pag-iisipan daw nila ito kapag matanda na siya.
Hindi iyon nakalimutan ni Eliana, at, sa katunayan, nang siya ay sampung taong gulang na, ang kanyang pamilya ay nagpunta upang tumulong sa ampunan. Makalipas ang dalawang taon, bumalik sila, sa pagkakataong ito ay kasama ang ilang iba pang pamilya mula sa paaralan ni Eliana. Nang si Eliana ay labinlimang taong gulang na, siya at ang kanyang ama ay muling nagpunta sa Guatemala upang maglingkod.
Minsan iniisip natin na ang mga hangarin at pangarap ng maliliit na bata ay walang bigat kumpara sa mga pag-asa ng matatanda. Ngunit tila walang ganitong pagkakaiba ang Banal na Kasulatan. Tinatawag ng Diyos ang mga bata, tulad ng sa kaso ni Samuel (1 Samuel 3:4). Pinupuri ni Jesus ang pananampalataya ng mga maliliit (Lucas 18:16-17). At sinabi ni Pablo na hindi dapat maliitin ng mga tao ang mga mas batang mananampalataya dahil lamang sila ay "bata" (1 Timoteo 4:12). Kaya, tinawag tayong gabayan ang ating mga anak (Deuteronomio 6:6-7; Kawikaan 22:6), kinikilala na ang kanilang pananampalataya ay isang modelo para sa ating lahat (Mateo 18:3) at nauunawaan na ang paghadlang sa kanila ay isang bagay na binalaan ni Cristo (Lucas 18:15).
Kapag nakikita natin ang isang pag-asa sa mga bata, ang ating tungkulin bilang matatanda ay tulungan itong magningas. At sa pangunguna ng Diyos, hikayatin sila tungo sa isang buhay na nakatuon sa pagtitiwala kay Jesus at paglilingkod sa Kanya.
No comments:
Post a Comment