Hindi maintindihan ni Carol kung bakit sabay-sabay ang nangyayari. Para bang hindi pa sapat ang problema sa trabaho, napilay pa ang kanyang anak na babae sa paaralan, at siya mismo ay nagkaroon ng matinding impeksyon. Ano bang nagawa ko para mag-karoon ng ganito? tanong ni Carol. Ang magagawa lang niya ay humingi ng lakas sa Diyos.
Si Job ay hindi rin alam kung bakit dumating ang mga kalamidad sa kanya nang ganun katindi—mga sakit at pagkawala na higit pa sa naranasan ni Carol. Walang indikasyon na alam niya ang labanan sa kosmos para sa kanyang kaluluwa. Nais ni Satanas na subukin ang pananampalataya ni Job, sinasabing tatalikuran niya ang Diyos kung mawawala sa kanya ang lahat (Job 1:6-12). Nang dumating ang sakuna, iginiit ng mga kaibigan ni Job na siya ay pinarurusahan dahil sa kanyang mga kasalanan. Hindi iyon ang dahilan, pero tiyak na naitanong niya, Bakit ako? Ang hindi niya alam ay pinahintulutan ng Diyos na mangyari ito.
Ang kwento ni Job ay nagbibigay ng makapangyarihang aral tungkol sa pagdurusa at pananampalataya. Maaaring subukan nating hanapin ang dahilan sa likod ng ating mga sakit, pero marahil may mas malaki pang kwento sa likod ng mga pangyayari na hindi natin mauunawaan sa ating buhay.
Tulad ni Job, maaari nating panghawakan ang ating nalalaman: ang Diyos ang may buong kontrol. Hindi madaling sabihin ito, pero sa gitna ng kanyang pagdurusa, patuloy na tumingin si Job sa Diyos at nagtiwala sa Kanyang kapangyarihan: “Ang Panginoon ang nagbigay at ang Panginoon ang bumawi; purihin ang pangalan ng Panginoon” (v. 21). Nawa’y patuloy din tayong magtiwala sa Diyos kahit ano pa ang mangyari—at kahit hindi natin nauunawaan.
No comments:
Post a Comment