Nang ako'y isang batang mananampalataya, akala ko ang mga karanasang "pag-akyat sa bundok" ang lugar kung saan ko makikilala si Jesus. Ngunit ang mga matatayog na sandaling iyon ay bihirang magtagal o magdulot ng paglago. Sabi ng may-akdang si Lina AbuJamra na sa mga disyertong lugar natin nakikilala ang Diyos at lumalago. Sa kanyang Bible study na Through the Desert, isinulat niya, “Layunin ng Diyos na gamitin ang mga disyertong lugar sa ating buhay upang tayo'y maging mas matatag.” Ipinagpatuloy niya, “Ang kabutihan ng Diyos ay dapat tanggapin sa gitna ng iyong sakit, hindi pinapatunayan ng kawalan ng sakit.”
Nasa mahihirap na kalagayan ng kalungkutan, pagkawala, at sakit kung saan tinutulungan tayo ng Diyos na lumago sa ating pananampalataya at mapalapit sa Kanya. Gaya ng natutunan ni Lina, “Ang disyerto ay hindi isang pagkukulang sa plano ng Diyos kundi isang mahalagang bahagi ng ating proseso ng paglago.”
Pinangunahan ng Diyos ang maraming patriyarka sa Lumang Tipan papunta sa disyerto. Sina Abraham, Isaac, at Jacob ay nagkaroon ng karanasan sa ilang. Nasa disyerto rin hinanda ng Diyos ang puso ni Moises at tinawag siyang pamunuan ang Kanyang bayan palabas ng pagkaalipin (Exodo 3:1-2, 9-10). At sa disyerto, “binantayan ng Diyos ang paglalakbay [ng mga Israelita]” sa loob ng apatnapung taon sa pamamagitan ng Kanyang tulong at gabay (Deuteronomio 2:7).
Kasama ng Diyos sina Moises at ang mga Israelita sa bawat hakbang ng kanilang paglalakbay sa disyerto, at kasama rin Niya tayo sa atin. Sa disyerto, natututo tayong umasa sa Diyos. Doon Niya tayo natatagpuan—at doon tayo lumalago.
No comments:
Post a Comment