Ilang dekada na ang nakalipas, pumunta ako sa isang college retreat kung saan pinag-uusapan ng lahat ang tungkol sa isang personality test. "Isa akong ISTJ!" sabi ng isa. "Ako ay isang ENFP," sabi ng isa pa. Naguguluhan ako. "Ako ay isang ABCXYZ," biro ko.
Mula noon, marami na akong natutunan tungkol sa nasabing pagsusuri (ang Myers-Briggs) at iba pa tulad ng DiSC assessment. Ako ay natutuwa sa mga ito dahil makatutulong sila sa atin na maunawaan ang ating sarili at ang iba sa makabuluhang paraan, nagbibigay liwanag sa ating mga hilig, lakas, at kahinaan. Sa kondisyong hindi natin ito labis na ginagamit, maaari silang maging isang kapaki-pakinabang na kasangkapan na ginagamit ng Diyos upang tulungan tayo sa ating paglago.
Hindi nag-aalok ang Kasulatan sa atin ng mga personality test. Ngunit ito ay nagpapatibay ng pagkakaiba-iba ng bawat tao sa mga mata ng Diyos (tingnan ang Awit 139:14-16; Jeremias 1:5), at ipinapakita sa atin kung paano tayo binibigyan ng Diyos ng isang natatanging personalidad at natatanging mga kaloob upang maglingkod sa iba sa Kanyang kaharian. Sa Roma 12:6, sinimulan ni Pablo na i-unpack ang ideyang ito, nang sabihin niya, "Mayroon tayong iba't ibang mga kaloob, ayon sa biyayang ibinigay sa bawat isa sa atin."
Ang mga kaloob na iyon, paliwanag ni Pablo, ay hindi lamang para sa atin kundi para sa layunin ng paglilingkod sa bayan ng Diyos, ang katawan ni Kristo (v. 5). Ang mga ito ay isang pagpapahayag ng Kanyang biyaya at kabutihan, na gumagawa sa loob at sa ating lahat. Inaanyayahan nila ang bawat isa sa atin na maging isang natatanging sisidlan sa paglilingkod sa Diyos.
No comments:
Post a Comment