Ang imbitasyon para sa hapunan mula sa aking lider ng simbahan na si Harold at ng kanyang asawa, si Pam, ay nagpainit sa aking puso, ngunit nagpakaba rin sa akin. Sumali ako sa isang grupo ng pag-aaral ng Bibliya sa kolehiyo na nagtuturo ng mga ideyang sumasalungat sa ilan sa mga turo sa Bibliya. Sasabihan kaya nila ako tungkol doon?
Habang kumakain ng pizza, nagbahagi sila tungkol sa kanilang pamilya at nagtanong tungkol sa akin. Nakinig sila habang ikinukwento ko ang tungkol sa mga aralin ko, ang aso kong si Buchi, at ang lalaking crush ko. Pagkatapos lamang nilang marahan akong pinayuhan tungkol sa grupong pinupuntahan ko at ipinaliwanag kung ano ang mali sa mga itinuturo nito.
Ang kanilang babala ay naglayo sa akin mula sa mga kasinungalingang ipinapakita sa Bible study at inilapit ako sa mga katotohanan ng Kasulatan. Sa kanyang sulat, gumamit si Jude ng malalakas na salita tungkol sa mga huwad na guro, hinihimok ang mga mananampalataya na "ipaglaban ang pananampalataya" (Jude 1:3). Ipinaalala niya na "sa mga huling panahon ay magkakaroon ng mga mapanunuya... na naghahati sa inyo... at wala sa kanila ang Espiritu" (vv. 18-19). Gayunpaman, tinatawag din ni Jude ang mga mananampalataya na "magpakita ng awa sa mga nag-aalinlangan" (v. 22) sa pamamagitan ng pakikisama, pagpapakita ng habag nang hindi ikinokompromiso ang katotohanan.
Alam nina Harold at Pam na hindi pa ako matibay sa aking pananampalataya, ngunit sa halip na husgahan ako, inialok muna nila ang kanilang pagkakaibigan at pagkatapos ang kanilang karunungan. Nawa'y pagkalooban tayo ng Diyos ng parehong pag-ibig at pasensya, gamit ang karunungan at habag habang nakikisalamuha sa mga may pag-aalinlangan.
No comments:
Post a Comment