Namangha ang mundo nang matagpuan ang apat na magkakapatid, mula edad isa hanggang labintatlo, na buhay sa gubat ng Amazon sa Colombia noong Hunyo 2023. Nakaligtas ang mga bata ng apatnapung araw sa gubat matapos bumagsak ang sinasakyan nilang eroplano, na ikinamatay ng kanilang ina. Pamilyar ang mga bata sa matinding kalagayan ng gubat; nagtago sila mula sa mababangis na hayop sa mga puno, nangolekta ng tubig mula sa mga sapa at ulan gamit ang mga bote, at kumain ng pagkain tulad ng cassava flour mula sa bumagsak na eroplano. Alam din nila kung aling mga ligaw na prutas at buto ang ligtas kainin.
Sinuportahan sila ng Diyos.
Ang kanilang kamangha-manghang kwento ay nagpapaalala sa akin kung paano milagrosong sinuportahan ng Diyos ang mga Israelita sa ilang ng apatnapung taon, na naitala sa mga aklat ng Exodo at Mga Bilang at binanggit sa iba’t ibang bahagi ng Bibliya. Iningatan Niya ang kanilang buhay upang malaman nila na Siya ang kanilang Diyos.
Ginawang inumin ng Diyos ang mapait na tubig sa bukal, nagbigay ng tubig mula sa bato ng dalawang beses, at ginabayan ang Kanyang bayan sa isang haliging ulap sa araw at haliging apoy sa gabi. Nagbigay din Siya ng manna sa kanila. “Sinabi ni Moises sa kanila, ‘Ito ang tinapay na ibinigay sa inyo ng Panginoon. Ito ang inutos ng Panginoon: Ang bawat isa ay kumuha ng kinakailangan nila’ ” (Exodo 16:15-16).
Ang parehong Diyos ang nagbibigay sa atin ng “ating kakanin sa araw-araw” (Mateo 6:11). Maaari tayong magtiwala sa Kanya na tustusan ang ating mga pangangailangan “ayon sa kayamanan ng kanyang kaluwalhatian kay Cristo Jesus” (Filipos 4:19). Anong makapangyarihang Diyos ang ating pinaglilingkuran!
No comments:
Post a Comment