Huminto ang Volkswagen ni Andrew, at lumapit ang mga guwardiya. Nagdasal siya tulad ng maraming beses na niyang ginawa sa nakaraan: “Diyos, noong Ikaw ay nasa lupa, pinabuksan Mo ang mga bulag na mata. Ngayon, pakiusap, gawin Mong bulag ang mga nakakakita.” Sinuri ng mga guwardiya ang kotse, ngunit walang sinabi tungkol sa mga Bibliya sa bagahe. Tumawid si Andrew sa hangganan, dala ang kanyang kargamento para sa mga hindi maaaring magkaroon ng Bibliya.
Si Andrew van der Bijl, o Brother Andrew, ay umasa sa kapangyarihan ng Diyos para sa tila imposibleng gawain na ipinatawag sa kanya ng Diyos—ang dalhin ang mga Kasulatan sa mga bansang ilegal ang Kristiyanismo. “Isa akong ordinaryong tao,” sabi niya, na binibigyang-diin ang kanyang limitadong edukasyon at kakulangan sa pondo. “Ang ginawa ko, kaya rin gawin ng kahit sino.” Ngayon, ang kanyang organisasyon, ang Open Doors International, ay naglilingkod sa mga inuusig na mananampalataya ni Jesus sa buong mundo.
Nang si Zerubbabel, ang gobernador ng Judah, ay humarap sa tila imposibleng gawain ng muling pagtatayo ng templo pagkatapos bumalik ng mga Hudyo mula sa pagkakatapon, siya ay pinanghinaan ng loob. Ngunit pinaalalahanan siya ng Diyos na huwag umasa sa kapangyarihan o lakas ng tao, kundi sa Kanyang Espiritu (Zacarias 4:6). Pinalakas Niya ang loob ni Zerubbabel sa pamamagitan ng isang pangitain na ibinigay sa propetang si Zacarias ng mga lampara na pinapadalhan ng langis mula sa mga kalapit na puno ng olibo (vv. 2-3). Tulad ng mga lampara na maaaring magningas dahil sa patuloy na suplay ng langis, si Zerubbabel at ang mga Israelita ay maaaring gawin ang gawain ng Diyos sa pamamagitan ng pag-asa sa Kanyang patuloy na suplay ng kapangyarihan.
Habang tayo ay umaasa sa Diyos, nawa’y magtiwala tayo sa Kanya at gawin ang Kanyang ipinagagawa sa atin.
No comments:
Post a Comment