Monday, October 21, 2024

Ang Kabayaran

Noong 1921, sinimulan ng artistang si Sam Rodia ang pagtatayo ng Watts Towers. Tatlumpu’t tatlong taon ang lumipas, labimpitong iskultura ang umabot ng tatlumpung metro ang taas sa Los Angeles. Ang musikero na si Jerry Garcia ay hindi gaanong pinahalagahan ang habambuhay na gawain ni Rodia. “Iyan ang kabayaran,” sabi ni Garcia. “Iyong bagay na nandiyan pagkatapos mong mamatay.” Pagkatapos ay sinabi niya, “Wow, hindi iyon para sa akin.”
Ano nga ba ang kabayaran para sa kanya? Sinabi ng kanyang kasamahan sa banda na si Bob Weir ang kanilang pilosopiya: “Sa kawalang-hanggan, wala nang maaalala tungkol sa'yo. Kaya bakit hindi na lang mag-enjoy?”
Isang mayaman at matalinong lalaki ang minsang naghanap ng "kabayaran" sa pamamagitan ng paggawa ng lahat ng posibleng bagay. Sinabi niya, “Sinabi ko sa aking sarili, ‘Halika ngayon, susubukin kita sa kasiyahan para malaman kung ano ang mabuti’ ” (Eclesiastes 2:1). Ngunit napansin niya, “Ang marunong, tulad ng mangmang, ay hindi na matagal pang maaalala” (v. 16). Nagtapos siya, “Ang gawaing ginawa sa ilalim ng araw ay naging kalungkutan para sa akin” (v. 17).
Ang buhay at mensahe ni Jesus ay radikal na kabaligtaran sa ganitong maiksing pananaw sa buhay. Dumating si Jesus upang bigyan tayo ng “buhay na ganap” (Juan 10:10) at itinuro Niya sa atin na mamuhay sa mundong ito na may pagtingin sa susunod. “Huwag kayong mag-impok ng kayamanan para sa inyong sarili dito sa lupa,” sinabi Niya. “Ngunit mag-impok kayo ng kayamanan para sa inyong sarili sa langit” (Mateo 6:19-20). At tinapos Niya ito: “Unahin ninyo ang [kaharian ng Diyos] at ang kanyang katuwiran, at ang lahat ng bagay na ito ay ipagkakaloob din sa inyo” (v. 33).
Iyan ang kabayaran—sa ilalim ng araw at higit pa.

No comments:

Post a Comment