Noong nasa hospice ang aking ina at malapit na ang kanyang huling mga araw sa mundo, naantig ako sa tunay na kabutihan ng isang tagapag-alaga sa nursing home. Matapos niyang marahang buhatin ang aking mahina at payat na ina mula sa upuan at ihiga sa kama, hinaplos ng nursing assistant ang ulo ni Mama habang nakayuko upang sabihing, “Ang bait-bait mo.” Pagkatapos, tinanong niya ako kung kumusta ako. Ang kanyang kabutihan ay nagpaiyak sa akin noon at hanggang ngayon ay umaantig pa rin sa akin.
Isa itong simpleng gawa ng kabutihan, ngunit iyon ang kailangan ko sa mga sandaling iyon. Nakatulong ito sa akin na makayanan ang sitwasyon, dahil alam kong sa mata ng babaeng iyon, ang aking ina ay hindi lamang isang pasyente. Inalagaan niya ito at nakita bilang isang taong may malaking halaga.
Nang si Naomi at Ruth ay naulila matapos mamatay ang kanilang mga asawa, nagpakita si Boaz ng kabutihan kay Ruth sa pamamagitan ng pagpapahintulot sa kanya na mamulot ng natirang butil sa likod ng mga mang-aani. Inutusan pa niya ang mga lalaking mang-aani na huwag siyang gambalain (Ruth 2:8-9). Ang kanyang kabutihan ay bunga ng pag-aaruga ni Ruth kay Naomi: “Nalaman ko ang lahat ng iyong ginawa para sa iyong biyenan mula noong namatay ang iyong asawa” (v. 11). Hindi niya nakita si Ruth bilang isang dayuhan o balo, kundi bilang isang babaeng nangangailangan.
Nais ng Diyos na tayo ay “damitan ng habag, kabutihan, kababaang-loob, kahinahunan at pagtitiyaga” (Colosas 3:12). Habang tinutulungan tayo ng Diyos, ang ating mga simpleng gawa ng kabutihan ay maaaring magpasaya ng mga puso, magbigay ng pag-asa, at magbigay inspirasyon ng kabutihan sa iba.
No comments:
Post a Comment