Noong kolehiyo, nag-aral ako ng mga sinulat ni William Shakespeare sa loob ng isang semester. Kinailangan sa klase ang isang malaking libro na naglalaman ng lahat ng isinulat ni Shakespeare. Ang aklat na iyon ay napakabigat, at kailangan kong dalhin ito nang maraming oras. Ang bigat na iyon ay nagdulot ng pananakit sa aking likod at sa huli, naputol pa ang isang metal na fastener ng aking bag!
May mga bagay talagang masyadong mabigat para dalhin natin. Halimbawa, ang emosyonal na pasanín mula sa mga sakit sa nakaraan ay maaaring pabigatin tayo ng sama ng loob at galit. Pero nais ng Diyos na magkaroon tayo ng kalayaan sa pamamagitan ng pagpapatawad sa iba at, kung maaari, ang pakikipagkasundo sa kanila (Colosas 3:13). Mas malalim ang sugat, mas matagal bago maghilom. At ayos lang iyon. Maraming taon ang lumipas bago napatawad ni Esau si Jacob sa pagnanakaw ng kanyang karapatan sa pagkapanganay at pagpapala (Genesis 27:36).
Nang muling magkita ang dalawa, malugod na pinatawad ni Esau ang kanyang kapatid at niyakap pa siya (33:4). Wala pang nasasabing salita, ngunit pareho na silang umiyak. Sa paglipas ng panahon, napalaya ni Esau ang kanyang sarili mula sa galit na minsang nag-udyok sa kanya na magplano ng pagpatay (27:41). At ang mga taong iyon ay nagbigay kay Jacob ng pagkakataon na makita ang laki ng pinsalang idinulot niya sa kanyang kapatid. Siya ay mapagpakumbaba at magalang sa kanilang muling pagkikita (33:8-11).
Sa huli, ang magkapatid ay dumating sa puntong wala nang hinihingi sa isa’t isa (talata 9, 15). Sapat na ang magpatawad at mapatawad upang lumakad nang malaya mula sa mabigat na pasanín ng nakaraan.
No comments:
Post a Comment