Karamihan sa tatlong daang residente ng Whittier, Alaska, ay nakatira sa isang malaking apartment complex, kaya tinatawag ang Whittier na isang "bayan sa ilalim ng isang bubong." Ayon kay Amie, isang dating residente, “Hindi ko na kailangang lumabas ng gusali—nandiyan na ang grocery store, notary public, paaralan, at post office sa aming ground floor, isang sakay lang sa elevator!”
“Dahil napakakomportable ng buhay doon, madalas gusto kong mapag-isa, iniisip na hindi ko kailangan ang iba,” ibinahagi ni Amie. “Pero ang mga residente ay napakainit ng pakikitungo. Inaalalayan nila ang isa't isa. Natutunan ko na kailangan nila ako, at kailangan ko rin sila.”
Tulad ni Amie, maaaring minsan ay gustuhin nating mapag-isa at umiwas sa komunidad. Mukhang mas kaunti ang stress! Pero sinasabi ng Kasulatan na ang isang mananampalataya kay Jesus ay dapat magkaroon ng balanseng buhay ng pag-iisa at pakikipagkapwa sa kapwa mananampalataya. Inihalintulad ng apostol na si Pablo ang katawan ng mga mananampalataya sa katawan ng tao. Tulad ng bawat bahagi ng katawan na may natatanging tungkulin, ang bawat mananampalataya ay may natatanging papel (Roma 12:4). Tulad ng isang bahagi ng katawan na hindi maaaring mabuhay mag-isa, ang isang mananampalataya ay hindi maaaring mabuhay ng pananampalataya nang mag-isa (v. 5). Sa gitna ng komunidad natin nagagamit ang ating mga kaloob (vv. 6-8; 1 Pedro 4:10) at lumalago upang maging katulad ni Jesus (Roma 12:9-21).
Kailangan natin ang isa’t isa; ang ating pagkakaisa ay nasa kay Cristo (v. 5). Sa tulong Niya, habang “inaalalayan natin ang isa’t isa,” maaari tayong magkaroon ng mas malalim na relasyon sa Kanya at maipakita sa iba ang Kanyang pagmamahal.
No comments:
Post a Comment