Bilang mga paboritong kapitbahay sa likod-bahay, ang aking ina at si Gng. Sanchez ay naging magkakaibigan din. Nagpaligsahan ang dalawa tuwing Lunes para mauna sa pagsasabit ng mga bagong labada sa kanilang mga sampayan sa labas. Naunahan na naman niya ako!” sabi ng aking ina. Ngunit sa susunod na linggo, maaaring si Mama naman ang mauna—kapwa nila kinatutuwaan ang kanilang lingguhang patimpalak. Sa mahigit sampung taon ng pagbabahagi ng isang likurang eskinita, ang dalawa ay nagbahagi rin ng kanilang karunungan, mga kuwento, at pag-asa.
Ang Bibliya ay nagsasalita nang may init tungkol sa kabutihan ng ganitong pagkakaibigan. “Ang kaibigan ay nagmamahal sa lahat ng panahon,” napansin ni Haring Solomon (Kawikaan 17:17). Idinagdag pa niya, “Ang tamis ng kaibigan ay nagmumula sa kanyang taos-pusong payo” (27:9).
Ang ating dakilang Kaibigan ay walang iba kundi si Hesus. Hinihikayat Niya ang mga alagad na magmahal bilang magkaibigan. Itinuro Niya sa kanila, “Walang hihigit pa sa pag-ibig ng isang tao kundi ang ialay ang kanyang buhay para sa kanyang mga kaibigan” (Juan 15:13). Kinabukasan, ginawa Niya nga ito sa krus. Sinabi rin Niya sa kanila, “Tinawag Ko kayong mga kaibigan, sapagkat lahat ng natutunan Ko mula sa Aking Ama ay ipinaalam Ko na sa inyo” (v. 15). Pagkatapos ay sinabi Niya, “Ito ang Aking utos: magmahalan kayo” (v. 17).
Sa ganitong mga salita, sinabi ni Hesus na itinataas Niya ang Kanyang mga tagapakinig, ayon sa pilosopong si Nicholas Wolterstorff, mula sa pagiging karaniwang tao patungo sa pagiging kasamahan at kumpidante. Sa pamamagitan ni Kristo, natututo tayong makipagkaibigan sa iba. Napakadakilang Kaibigan na nagtuturo sa atin ng ganitong pagmamahal!
No comments:
Post a Comment