Ang bestseller na putahe ni Jocelyn sa kanyang food stall ay ang kanyang lugaw. Maingat niyang hinahalo ang lugaw hanggang sa maging makinis ang pagkakaluto nito. Kaya laking gulat niya nang isang suki ang nagsabi, “Iba ang lasa ng lugaw mo ngayon. Hindi kasing pino ang texture.”
Ang bago niyang katulong ang nagluto nito at ipinaliwanag kung bakit ito iba: “Hindi ko ito hinalo nang matagal tulad ng nakasaad sa recipe dahil ganito ang ginagawa ko sa amin. Dagdag pa, mas marami akong inilagay na sesame oil. Para sa akin, mas masarap ito sa ganitong paraan.” Pinili niyang huwag sundin ang recipe at gawin ito ayon sa kanyang paraan.
Ganito rin minsan ang tugon ko sa mga tagubilin ng Diyos. Sa halip na sundin nang buo ang Kanyang mga utos ayon sa Kasulatan, isinasalalay ko ito sa aking sariling opinyon at ginagawa ito sa aking sariling paraan.
Si Naaman, ang pinuno ng hukbo ng Syria, ay halos magkamali rin ng ganito. Nang matanggap niya ang tagubilin ng Diyos sa pamamagitan ng propetang si Eliseo na maligo sa Ilog Jordan upang gumaling ang kanyang ketong, nagalit ang mayabang na sundalo. May sarili siyang inaasahan kung paano dapat tugunan ang kanyang pangangailangan, iniisip na mas mainam ang kanyang opinyon kaysa sa utos ng Diyos (2 Hari 5:11-12). Gayunpaman, nahikayat siya ng kanyang mga lingkod na pakinggan ang mga salita ni Eliseo (v. 13). Bilang resulta, gumaling si Naaman.
Kapag ginagawa natin ang mga bagay ayon sa paraan ng Diyos, nararanasan natin ang isang kapayapaan na hindi maipaliwanag. Sama-sama nating ipagpatuloy ang pagtupad sa mga layunin Niya.
No comments:
Post a Comment