Ang mga pabrika sa Victorian England ay mga madilim na lugar. Mataas ang bilang ng mga namamatay, at madalas na namumuhay sa kahirapan ang mga manggagawa. “Paano mapapalago ng isang manggagawa ang kanyang mga ideals,” tanong ni George Cadbury, kung ang kanyang tahanan ay isang slum?” Kaya't nagtayo siya ng isang bagong uri ng pabrika para sa kanyang lumalaking negosyo ng tsokolate, isang pabrikang kapaki-pakinabang para sa kanyang mga manggagawa.
Ang resulta ay ang Bournville, isang baryo na may mahigit tatlong daang tahanan na may mga palaruan, paaralan, at simbahan para sa mga manggagawa ni Cadbury at kanilang mga pamilya. Sila ay binabayaran ng maayos at may alok na serbisyong medikal, lahat ng ito dahil sa pananampalataya ni Cadbury kay Cristo.
Itinuro sa atin ni Jesus na ipagdasal na mangyari ang kalooban ng Diyos “sa lupa gaya ng sa langit” (Mateo 6:10). Ang panalanging ito ay makatutulong sa atin na isipin, gaya ng ginawa ni Cadbury, kung ano ang magiging kalagayan ng ating mga pinagtatrabahuan sa ilalim ng pamamahala ng Diyos, kung saan ang ating "pagkain sa araw-araw" ay kinikita at ang ating "mga may utang" ay pinatawad (vv. 11-12). Bilang mga empleyado, nangangahulugan ito ng pagtatrabaho nang “buong puso . . . para sa Panginoon” (Colosas 3:23). Bilang mga tagapag-empleyo, ang ibig sabihin nito ay pagbibigay sa mga kawani ng kung ano ang “tama at patas” (4:1). Anuman ang ating tungkulin, binayaran man o boluntaryo, nangangahulugan ito ng pangangalaga sa kapakanan ng ating pinaglilingkuran.
Gaya ni George Cadbury, isipin natin kung paano magiging iba ang mga bagay kung ang Diyos ang namumuno sa ating mga komunidad at lugar ng trabaho. Dahil kapag Siya ang namumuno, umuunlad ang mga tao.
No comments:
Post a Comment