Nang ang batang anak ni Keri ay sumasailalim sa isa na namang operasyon na may kaugnayan sa muscular dystrophy, gusto niyang ilihis ang kanyang isip sa sitwasyon ng kanilang pamilya sa pamamagitan ng paggawa ng isang bagay para sa iba. Kaya't tinipon niya ang mga lumang sapatos ng kanyang anak na bahagyang gamit pa lamang at ini-donate ang mga ito sa isang ministeryo. Ang kanyang pagbibigay ay nag-udyok sa mga kaibigan, kamag-anak, at maging sa mga kapitbahay na sumali, at di nagtagal mahigit sa dalawang daang pares ng sapatos ang na-donate!
Bagaman ang layunin ng shoe drive ay upang magbigay ng biyaya sa iba, naramdaman ni Keri na mas nabiyayaan ang kanilang pamilya. “Ang buong karanasan ay talagang nag-angat ng aming mga espiritu at tinulungan kaming magtuon ng pansin sa iba.”
Naunawaan ni Pablo kung gaano kahalaga para sa mga tagasunod ni Jesus na magbigay ng bukas-palad. Sa kanyang paglalakbay patungong Jerusalem, huminto si apostol Pablo sa Efeso. Alam niyang malamang na iyon na ang huling pagbisita niya sa mga tao ng simbahang itinatag niya doon. Sa kanyang pamamaalam sa mga elder ng simbahan, ipinaalala niya sa kanila kung paano siya nagsumikap sa paglilingkod sa Diyos (Mga Gawa 20:17-20) at hinimok silang gawin din iyon. Pagkatapos ay nagtapos siya sa mga salita ni Jesus: “Higit na mapalad ang magbigay kaysa tumanggap” (v. 35).
Nais ni Jesus na malaya at mapagkumbaba nating ibigay ang ating sarili (Lucas 6:38). Kapag nagtitiwala tayo sa Kanya na gagabay sa atin, magbibigay Siya ng mga pagkakataon para gawin natin ito. Gaya ng pamilya ni Keri, maaaring mabigla tayo sa kagalakan na nararanasan natin bilang resulta.
No comments:
Post a Comment