Pagkatapos ng pitong dekada ng pagsusumikap bilang labandera—paghuhugas, pagpapatuyo, at pagpipiga ng mga damit sa pamamagitan ng kamay—si Oseola McCarty ay handa na ring magretiro sa edad na walumpu't anim. Matapat niyang inipon ang kanyang munting kinikita sa loob ng mga taong iyon, at sa pagkagulat ng kanyang komunidad, nag-donate si Oseola ng $150,000 sa kalapit na unibersidad upang lumikha ng scholarship fund para sa mga estudyanteng nangangailangan. Na-inspire sa kanyang walang pag-iimbot na regalo, daan-daang tao ang nag-donate ng sapat upang triplehin ang kanyang endowment.
Naiintindihan ni Oseola na ang tunay na halaga ng kanyang yaman ay hindi sa paggamit nito para sa sarili niyang kapakanan, kundi sa pagpapala sa iba. Hinikayat ni apostol Pablo si Timoteo na utusan ang mga mayayaman sa mundong ito na "maging mayaman sa mabubuting gawa" (1 Timoteo 6:18). Bawat isa sa atin ay binigyan ng kayamanang pamamahalaan, maging ito man ay sa anyo ng pinansyal na yaman o iba pang mga mapagkukunan. Sa halip na magtiwala sa ating mga mapagkukunan, pinaaalalahanan tayo ni Pablo na ilagay ang ating pag-asa sa Diyos lamang (v. 17) at mag-ipon ng kayamanan sa langit sa pamamagitan ng pagiging "mapagbigay at handang magbahagi" (v. 18).
Sa ekonomiya ng Diyos, ang pagtitipid at hindi pagiging mapagbigay ay nagdudulot lamang ng kawalan. Ang pagbibigay sa iba mula sa pag-ibig ang daan tungo sa kasiyahan. Ang magkaroon ng kabanalan at kasiyahan sa kung anong mayroon tayo, sa halip na pagnanais ng higit pa, ay malaking kapakinabangan (v. 6). Ano kaya ang itsura ng pagiging mapagbigay sa ating mga mapagkukunan, tulad ng ginawa ni Oseola? Sikapin nating maging mayaman sa mabubuting gawa ngayon ayon sa pangunguna ng Diyos.
No comments:
Post a Comment