Ang una kong maikling misyon ay sa kagubatan ng Amazon sa Brazil upang tumulong sa pagpapatayo ng isang simbahan sa tabi ng ilog. Isang hapon, bumisita kami sa isa sa ilang tahanan sa lugar na mayroong water filter. Nang ibuhos ng aming host ang malabong tubig mula sa balon sa ibabaw ng aparato, sa loob ng ilang minuto ay natanggal lahat ng dumi at lumabas ang malinis at malinaw na tubig na maiinom. Doon mismo sa sala ng lalaki, nakita ko ang isang pagsasalarawan kung ano ang ibig sabihin ng linisin ni Cristo.
Kapag tayo’y unang lumapit kay Jesus na dala ang ating kasalanan at kahihiyan at humingi ng kapatawaran at tinanggap natin Siya bilang ating Tagapagligtas, nililinis Niya tayo mula sa ating mga kasalanan at binabago Niya tayo. Pinadalisay tayo tulad ng kung paano ang malabong tubig ay naging malinis na inuming tubig. Napakasayang malaman na tayo ay nasa tamang katayuan sa harap ng Diyos dahil sa sakripisyo ni Jesus (2 Corinto 5:21) at malaman na inaalis ng Diyos ang ating mga kasalanan na parang mula sa silangan hanggang sa kanluran (Awit 103:12).
Ngunit pinaaalalahanan tayo ni apostol Juan na hindi ito nangangahulugang hindi na tayo magkakasala muli. Kapag nagkasala tayo, maaari tayong umasa sa imahe ng isang water filter at maaliw sa kaalaman na habang “ipinapahayag natin ang ating mga kasalanan, siya ay tapat at makatarungan at patatawarin tayo sa ating mga kasalanan at padadalisayin tayo sa lahat ng kalikuan” (1 Juan 1:9).
Mamuhay tayo nang may kumpiyansa na tayo ay patuloy na nililinis ni Cristo.
No comments:
Post a Comment