Ilang taon na ang nakalipas, inimbitahan ang aming simbahan na magpatuloy ng mga refugee na tumatakas mula sa kanilang bansa matapos ang isang magulong pagbabago sa pamahalaang pampulitika. Buong mga pamilya ang dumating dala lamang ang mga bagay na kasya sa isang maliit na bag. Maraming pamilya sa aming simbahan ang nagbukas ng kanilang mga tahanan, kabilang na ang ilang may maliit na espasyo lamang.
Ang kanilang bukas-palad na pagtanggap ay sumasalamin sa tatlong utos ng Diyos sa mga Israelita nang sila'y pumasok sa lupang pangako (Deuteronomio 24:19-21). Bilang isang agrikultural na lipunan, naunawaan nila ang kahalagahan ng anihan. Ang mga ani ay mahalaga upang sila’y magpatuloy hanggang sa susunod na taon. Kaya’t ang utos ng Diyos na “mag-iwan [ng ilan] para sa dayuhan, ulila, at balo” (talata 19) ay isa ring kahilingan na magtiwala sa Kanya. Ang mga Israelita ay inutusang magpakita ng kagandahang-loob hindi lamang sa pagbibigay kapag alam nilang may sapat sila kundi sa pagbibigay mula sa pusong nagtitiwala sa probisyon ng Diyos.
Ang ganitong uri ng pagtanggap ay isa ring paalala na “sila ay mga alipin sa Egipto” (talata 18, 22). Sila ay minsang inapi at kapos-palad. Ang kanilang kagandahang-loob ay isang paalala ng kabutihan ng Diyos sa kanila sa pagpapalaya sa kanila mula sa pagkaalipin.
Ang mga mananampalataya kay Jesus ay hinihikayat ding maging bukas-palad. Pinaaalalahanan tayo ni Pablo, “Bagamat [si Kristo] ay mayaman, alang-alang sa inyo ay naging mahirap siya, upang sa pamamagitan ng kanyang kahirapan kayo ay maging mayaman” (2 Corinto 8:9). Tayo’y nagbibigay dahil Siya ay nagbigay sa atin.
No comments:
Post a Comment