Sunday, July 12, 2026

Senior Citizen, Umanong Nilinlang ng Nagpakilalang Vlogger


NAILINLANG UMANO NG ISANG VLOGGER ANG ISANG SENIOR CITIZEN

Isang 68-anyos na senior citizen na si Teodolo Gonzaga Taguran ang nagtungo sa Bombo Radyo Davao upang ibahagi ang umano'y naging karanasan niya sa panlilinlang na nangyari noong Hulyo 4, 2026.

Ayon kay Taguran, habang naglalakad siya sa Doña Pilar sa lungsod na ito, isinakay siya sa isang itim na Toyota Fortuner ng isang hindi niya kilalang lalaki na nagpakilalang isang vlogger. Sinabi rin umano sa kanya na bibigyan siya ng cellphone, pera, at ihahatid sa kanyang tirahan sa Sto. Domingo 2, Pampanga, Davao City.

Sumakay ang senior citizen dahil, ayon sa kanya, magaling makipag-usap ang lalaki kaya madali niya itong pinagkatiwalaan. Habang nasa biyahe, nag-uusap pa sila at binigyan pa siya ng isang cellphone na sinabing "brand new." Labis na natuwa ang senior citizen at naniwala sa mga ipinangako ng lalaki.

Ngunit pagdating nila sa isang gasolinahan sa Sasa, huminto ang lalaki at sinabing iihi muna siya. Bumaba rin si Taguran upang gumamit ng palikuran. Ngunit nang bumalik siya, wala na ang sasakyan at ang suspek. Kasama ring nawala ang kanyang sling bag at mga grocery na naiwan niya sa loob ng sasakyan.

Nasa loob ng kanyang bag ang ₱2,500 na cash, cellphone, mga grocery na nagkakahalaga ng ₱3,000, yellow card ng Southern Philippines Medical Center (SPMC), at iba pa niyang personal na ID tulad ng PhilHealth, SSS, Senior Citizen ID, Pag-IBIG ID, Voter's ID, at National ID.

Sa Sasa Police Station (PS4) lamang nalaman ni Taguran na sira pala ang cellphone na ibinigay sa kanya ng suspek. Doon niya tuluyang napagtanto na nalinlang siya.

Naitala na ang insidenteng ito sa Sasa PS4 para sa dokumentasyon habang nagpapatuloy ang imbestigasyon ng pulisya upang matukoy at maaresto ang suspek.

Nanawagan din si Taguran sa publiko na maging maingat at huwag agad magtiwala sa mga hindi kakilala. Umaasa rin siyang mahuhuli ang suspek upang wala nang iba pang mabiktima.


No comments:

Post a Comment