Noong Pebrero 2023, muling nakagawa ng isang pambihirang tuklas ang James Webb Space Telescope. Sa kabila ng dating naaabot ng paningin ng sangkatauhan sa sansinukob, nadiskubre nito ang anim na bagong mga kalawakan. Binago ng pagtuklas na ito ang maraming kaalaman natin tungkol sa kalawakan. Isang astronomo ang nagsabi, “Natuklasan namin ang isang bagay na lubhang hindi inaasahan kaya nagdudulot ito ng mga suliranin sa agham.” Isang astropisiko naman ang halos humihingi ng paumanhin nang sabihin niya, “Walang mali sa hindi pag-alam.”
Tila patuloy tayong ginugulat ng Diyos. Sa bawat bagong tuklas, lalong lumalawak ang ating pagkamangha, na nagpapaalala sa atin kung gaano kaliit ang ating kaalaman. Ngunit matagal nang bago pa maimbento ang mga teleskopyong pangkalawakan, sinabi na ng propetang si Isaias ang mga salitang tila sumasagot sa mga tanong at paghanga ng mga siyentipiko ngayon:
“Hindi mo ba nalalaman? Hindi mo ba narinig? Ang Panginoon ay . . . ang Maylalang ng mga dulo ng daigdig” (Isaias 40:28).
Sa mga sinaunang salitang ito, itinuro tayo ni Isaias sa pinagmulan ng lahat ng nilikha—sa Diyos na naglagay sa galaw ng mga kalawakan at naglatag ng mga kalangitan na lampas sa ating pang-unawa. At ipinagpatuloy niya ito, tila inaasahan na ang pagpapakumbaba ng pinakamahuhusay na astropisiko:
“Ang Kanyang pagkaunawa ay hindi malirip” (v. 28).
Tunay nga, maaaring hamunin ng mga hiwaga ng sansinukob ang ating pang-unawa, ngunit hindi nito kailanman mahahamon ang Diyos. Sa bawat bagong rebelasyon, nasusulyapan lamang natin ang isang bahagi ng Kanyang walang hanggang karunungan. Ngunit kung titigil tayo rito—kung mamangha lamang tayo sa Kanyang kapangyarihan nang hindi sinisiyasat ang mas malalim na katotohanan—mapapalampas natin ang tunay na diwa ng talatang ito.
Ang Diyos na hindi malirip ay hindi malayo. Ang Diyos na humubog sa mga bituin, na tumawag sa bawat kalawakan upang umiral (v. 26), ay hindi isang puwersang walang malasakit sa ating mga pinagdaraanan. Sa halip, tiniyak sa atin ni Isaias ang isang bagay na mas kahanga-hanga:
“Binibigyan Niya ng lakas ang napapagal, at Kanyang pinalalakas ang mahihina” (v. 29).
Ito ang kahanga-hangang katotohanan tungkol sa Diyos. Ang Maylalang ng sansinukob ay siya ring Tagapagtaguyod ng ating kaluluwa. Ang Diyos na humahawak sa malawak na kalawakan ay siya ring Diyos na yumayakap sa atin sa ating pangangailangan. Siya ang Diyos na nagbibigay pag-asa sa mga pusong sugatan, nagpapalakas sa mga nanghihina, at nagpapabangon sa mga nalulugmok.
Kaya’t tayo ay inaanyayahang umasa—hindi sa ating limitadong kaalaman, hindi lamang sa mga kamangha-manghang tuklas ng agham, kundi sa Diyos na higit sa lahat ng ito. Tulad ng ipinahayag ni Isaias, ang mga nagtitiwala sa Kanya ay hindi manghihina:
“Sila'y lilipad na parang mga agila; sila'y tatakbo at hindi mapapagod, sila'y lalakad at hindi manghihina” (v. 31).
Anong kaginhawaan ang malaman na ang Diyos na hindi malirip ay siya rin mismong Diyos na ating kilala—ang Diyos na hindi lamang bumigkas ng sansinukob upang ito’y umiral, kundi siya ring Diyos na nagsasalita nang may kapangyarihan at lakas sa ating sariling buhay.
No comments:
Post a Comment