Wednesday, December 11, 2024

Bagong Buhay kay Jesus

Lumaki nang magkasama sa Gitnang Asya, sina Baheer at Medet ay matalik na magkaibigan. Ngunit nang maniwala si Baheer kay Jesus, nagbago ang lahat. Nang i-report ni Medet si Baheer sa mga awtoridad ng gobyerno, tiniis ni Baheer ang matinding pagpapahirap. Ang bantay ay nagngitngit, "Hindi na kailanman babanggitin ng bibig na ito ang pangalan ni Jesus." Kahit na duguan, nagawa ni Baheer na sabihin na maaaring pigilan nila siyang magsalita tungkol kay Cristo, ngunit hindi nila kailanman "mababago ang ginawa Niya sa aking puso."
Nanatili ang mga salitang iyon kay Medet. Ilang buwan ang lumipas, matapos magdusa sa karamdaman at kawalan, naglakbay si Medet upang hanapin si Baheer, na noon ay pinalaya na mula sa bilangguan. Kinalimutan ang kanyang kayabangan at hiniling sa kanyang kaibigan na ipakilala siya kay Jesus.
Kumilos si Medet ayon sa pagkilos ng Banal na Espiritu, katulad ng mga nagtipon kay Pedro noong kapistahan ng Pentekostes na "tumagos sa kanilang puso" nang masaksihan ang pagbuhos ng biyaya ng Diyos at marinig ang patotoo ni Pedro tungkol kay Cristo (Mga Gawa 2:37). Tinawag ni Pedro ang mga tao na magsisi at magpabautismo sa pangalan ni Jesus, at humigit-kumulang tatlong libo ang sumunod. Kung paanong tinalikuran nila ang kanilang dating pamumuhay, ganoon din si Medet—nagsisi at sumunod sa Tagapagligtas.
Ang kaloob ng bagong buhay kay Jesus ay bukas para sa lahat ng naniniwala sa Kanya. Anuman ang nagawa natin, maaari nating maranasan ang kapatawaran ng ating mga kasalanan kapag nagtitiwala tayo sa Kanya.

No comments:

Post a Comment