Sunday, December 15, 2024

Sumasagot ang Diyos

Kapag nagsusuot si Pastor Timothy ng kanyang preacher collar habang naglalakbay, madalas siyang lapitan ng mga estranghero. “Ipagdasal mo ako, pakiusap,” sabi ng mga tao sa paliparan kapag nakikita nila ang kanyang clerical band na nakasuot sa kanyang simpleng madilim na suit. Sa isang kamakailang biyahe, isang babae ang lumuhod sa tabi ng kanyang upuan nang mapansin siya, nagmamakaawa: “Pastor ka ba? Pwede mo ba akong ipagdasal?” At nanalangin si Pastor Timothy.
May isang talata sa Jeremias na nagbibigay-liwanag kung bakit natin nararamdaman na dinirinig at sinasagot ng Diyos ang ating mga panalangin: Nagmamalasakit ang Diyos! Sinabi Niya sa Kanyang minamahal ngunit makasalanang mga taong ipinatapon, “ ‘Sapagkat nalalaman ko ang mga plano ko para sa inyo,’ ang pahayag ng Panginoon, ‘mga planong magdudulot sa inyo ng kasaganaan at hindi kapahamakan’ ” (29:11). Inaasahan ng Diyos ang panahon na sila’y babalik sa Kanya. “Pagkatapos ay tatawag kayo sa akin, lalapit at mananalangin sa akin,” sabi Niya, “at diringgin ko kayo. Hahanapin ninyo ako at matatagpuan kapag hinanap ninyo ako nang buong puso” (talata 12-13).
Natutunan ito ng propeta at marami pang iba tungkol sa panalangin habang nakakulong. Tiniyak sa kanya ng Diyos, “Tumawag ka sa akin at sasagutin kita at ipapakita ko sa iyo ang mga dakila at hindi malirip na mga bagay na hindi mo nalalaman” (33:3).
Hinimok din tayo ni Jesus na manalangin. “Alam ng inyong Ama ang inyong mga kailangan bago pa man kayo humingi sa Kanya,” sabi Niya (Mateo 6:8). Kaya “humingi,” “maghanap,” at “kumatok” sa panalangin (7:7). Ang bawat kahilingan na ating ginagawa ay naglalapit sa atin sa Isa na sumasagot. Hindi natin kailangang maging estranghero sa Diyos sa panalangin. Kilala Niya tayo at nais Niya tayong marinig. Maaari nating dalhin sa Kanya ang ating mga alalahanin ngayon.

No comments:

Post a Comment