Libu-libong tao sa buong mundo ang nanalangin para sa tatlong taong gulang na anak ni Sethie, na ilang buwan nang naka-confine sa ospital. Nang sinabi ng mga doktor na si Shiloh ay wala nang "makabuluhang aktibidad sa utak," tinawagan ni Sethien si Xochitl . “Minsan, natatakot ako na baka hindi ako namumuhay nang may buong pananampalataya,” sabi niya. “Alam kong kayang pagalingin ni God si Shiloh at ibalik siya sa amin. Pero tanggap ko rin kung pipiliin ni God na pagalingin siya sa pamamagitan ng pag-uwi sa langit.”
Pinasiguro ni Xochitl sa kanya na nauunawaan siya ng Diyos nang higit pa sa sinuman. Sabi ni Xochitl , “Isinuko mo na kay God ang lahat. Iyan ang buong pananampalataya.” Ilang araw lang ang lumipas, at kinuha na ng Diyos ang mahal niyang anak sa langit.
Bagaman dumaranas ng matinding lungkot dahil sa pagkawala ni Shiloh, nagpasalamat si Sethie sa Diyos at sa napakaraming taong nanalangin para sa kanila. Sabi niya, “Naniniwala akong mabuti pa rin ang Diyos, at Siya pa rin ang Diyos.”
Sa mundong ito—sirang-sira at puno ng pasanin dahil sa kasalanan—ang sakit at paghihirap ay hindi maiiwasan. Paalala sa atin ni apostol Pedro sa 1 Pedro 1:6 na hanggang sa muling pagbabalik ni Jesus, tayo’y “daranas ng kapighatian sa iba’t ibang uri ng pagsubok.” Maaaring dumating ang mga pagsubok sa maraming anyo: pagkawala ng mahal sa buhay, karamdaman, pagtataksil, kawalang-katiyakan, o malalim na pag-iisa. Bawat pagsubok ay may dalang tunay na sakit, at bilang tao, hindi tayo tinatawagan ng Diyos na itago ang ating damdamin kundi harapin ito nang tapat. Ang luha, dalamhati, at kirot ay hindi tanda ng mahinang pananampalataya; ito’y bahagi ng pamumuhay sa isang mundong nabahiran ng kasalanan.
Ngunit para sa mga nakaranas ng “bagong kapanganakan” kay Cristo Jesus (1 Pedro 1:3), hindi tayo lumalakad sa gitna ng mga pagsubok nang walang pag-asa. Tayo ay matatag—hindi dahil sa sariling lakas, kundi dahil sa walang hanggang pag-ibig ni Jesus. Kahit sa gitna ng pagdurusa, ang ating ugnayan sa Kanya ang nagbibigay sa atin ng “kagalakang hindi kayang ilarawan at puspos ng kaluwalhatian” (talata 8). Ang kagalakang ito ay hindi mababaw o panandalian; ito’y malalim, banal, at nakaugat sa katotohanang kasama natin si Cristo sa bawat sandali, kahit pa ang buhay ay tila hindi na kayang tiisin.
At ano ang bunga ng pananampalatayang ito na ating pinanghahawakan sa gitna ng unos at pighati? Sabi ni Pedro sa talata 9: “ang kaligtasan ng [ating] mga kaluluwa.” Ito ang dakilang pag-asa ng bawat mananampalataya—hindi lamang kaginhawaan mula sa pagdurusa sa mundo, kundi ang walang hanggang pangako ng buhay na kasama ang Diyos, na tinamo natin sa pamamagitan ni Jesus.
Hindi madali ang isuko ang ating sakit, mga tanong, at kawalang-katiyakan kay Cristo. Ngunit dito nasusubok ang buong pananampalataya—hindi ang pananampalatayang may lahat ng kasagutan, kundi ang pananampalatayang nagtitiwala sa Diyos kahit hindi natin alam ang lahat. Ang Banal na Espiritu, ang ating Kaagapay at Kaaliwan, ang nagbibigay sa atin ng lakas upang mamuhay nang may ganitong pananampalataya. Siya ang tumutulong sa ating manalangin kahit wala tayong masabi, at nagbibigay ng kapayapaan kahit hindi nagbabago ang kalagayan. Tinuturuan Niya tayong mamuhay na may bukas na palad—na handang ihandog ang bawat pasanin, bawat kagalakan, at bawat kahihinatnan kay Cristo.
Ang pamumuhay nang may buong pananampalataya ay hindi pag-iwas sa pagdurusa, kundi ang paglalakad sa gitna nito na magkasama tayong hawak ng Tagapagligtas na siyang nagtagumpay na sa sanlibutan.
No comments:
Post a Comment