Pagkatapos ng mapaminsalang lindol sa Turkey noong Pebrero 2023, isang nakakapukaw na larawan ang lumaganap sa mga balita: isang ama na nakaupo sa gitna ng mga guho, hawak ang isang kamay na nakausli mula sa gumuhong mga labi—kamay ng kanyang anak na babae. Makikita natin ang gilid ng kutson kung saan natutulog ang kanyang anak, at ang walang-buhay nitong mga daliri na kanyang tangan-tangan. Mabigat ang kanyang mukha; malalim ang kanyang pagdadalamhati.
Sa mukhang pinipigil ang sakit ng amang iyon sa gitna ng guho, nakita ko ang isang masidhing larawan ng ating Amang nasa langit. Ang imahe ng isang lalaking nakaupo sa tabi ng wasak na katawan ng kanyang minamahal na anak ay hindi lamang nakapanlulumong panoorin—ito’y sagrado rin. Isa itong sulyap sa puso ng Diyos, na nakikidalamhati sa Kanyang nilikha.
Sinasabi sa atin ng aklat ng Genesis na noong ang sangkatauhan ay nahulog sa kasalanan at kabulukan, hindi nanatiling malayo o walang pakialam ang Diyos. Sa halip, “Nasaktan ang kanyang puso” (Genesis 6:6, NLT). Hindi lang galit ang naramdaman ng Maylikha, kundi matinding lungkot—isang lungkot na umaalingawngaw sa buong Kasulatan.
Makalipas ang maraming siglo, binigyang tinig ni Isaias ang pighating ito nang ilarawan niya ang darating na Mesiyas bilang “isang lalaking tigib ng kalungkutan, bihasa sa matinding dalamhati” (Isaias 53:3, NLT). Sa katauhan ni Jesus, nakita natin hindi lamang ang kapangyarihan ng Diyos, kundi ang Kanyang pakikiramay—ang Diyos na pumapasok sa ating sakit, ang Diyos na umiiyak sa mga libingan, ang Diyos na dumaranas ng paghihirap at pag-iisa, ang Diyos na alam ang bigat ng pagdurusa.
Nakikidalamhati ang Diyos para sa atin—ngunit higit pa roon, Siya ay nakikidalamhati kasama natin. Hindi Siya tumatalikod sa gulo ng ating mga buhay. Sa halip, nakaupo Siya sa tabi natin, sa gitna ng abo at alikabok, sa dulo ng guho, iniunat ang Kanyang kamay. Paalala ni Isaias: “Ako ang Panginoon mong Diyos, na tumitibay sa iyong kanang kamay” (Isaias 41:13). Hindi lamang Siya nanonood habang tayo’y naghihirap—nakikiisa Siya, nag-aabot, nagmamahal.
Anuman ang pinsala na kinakaharap mo ngayon—maaaring isang trahedya, ang pagkawala ng isang minamahal, o maging ang bunga ng sarili mong mga pagkakasala—alalahanin mong hindi ka iniwan ng Diyos. Ang Diyos na dumaramdam ay ang Diyos ding dumadamay. Ang Diyos na nalulungkot para sa iyo ay Siya ring umaakay sa iyo.
Anuman ang lindol na yumanig sa iyong buhay, gaano man kalalim ang lungkot o kalawak ang pagkawasak, tandaan mo ito: naroroon ang Diyos. Iniaabot Niya ang Kanyang kamay. At sa gitna ng iyong hinagpis, naririnig ang Kanyang tinig na puno ng pag-ibig:
“Huwag kang matakot; tutulungan kita” (Isaias 41:13).
No comments:
Post a Comment