Isang matagal nang kaibigan ang nagpadala sa akin ng sulat pagkamatay ng aking asawa: “Si [Alan] ay . . . isang grappler sa Diyos. Siya ay isang tunay na Jacob at isang matibay na dahilan kung bakit ako isang Kristiyano ngayon.” Hindi ko naisip na ikumpara ang mga paghihirap ni Alan sa patriarch na si Jacob, ngunit akma ito. Sa buong buhay niya, nakipagpunyagi si Alan sa kanyang sarili at nakipagbuno sa Diyos para sa mga sagot. Minahal niya ang Diyos ngunit hindi niya laging nauunawaan ang mga katotohanang mahal Niya siya, pinatawad siya, at dininig ang kanyang mga panalangin. Gayunpaman, nagkaroon ng mga pagpapala ang kanyang buhay, at marami siyang naimpluwensyahan.
Ang buhay ni Jacob ay punong-puno ng pakikibaka. Niloko niya ang kanyang kapatid na si Esau upang makuha ang karapatan ng panganay. Tumakas siya sa kanilang tahanan at naghirap ng maraming taon kasama ang kanyang kamag-anak at biyenang si Laban. Pagkatapos ay tumakas siya kay Laban. Mag-isa siya at takot na harapin si Esau. Ngunit nagkaroon siya ng isang makalangit na karanasan: "Sinalubong siya ng mga anghel ng Diyos" (Genesis 32:1), marahil bilang paalala ng kanyang naunang panaginip mula sa Diyos (28:10-22). Ngayon, nagkaroon si Jacob ng isa pang karanasan: buong gabi siyang nakipagbuno sa isang "lalaki," Diyos sa anyong tao, na pinangalanan siyang Israel, dahil siya ay "nakipagbuno sa Diyos at sa mga tao at nagtagumpay" (32:28). Kasama at mahal siya ng Diyos sa kabila at sa lahat ng ito.
Lahat tayo ay may mga pakikibaka. Pero hindi tayo nag-iisa; kasama natin ang Diyos sa bawat pagsubok. Ang mga naniniwala sa Kanya ay minamahal, pinatawad, at pinangakuan ng buhay na walang hanggan (Juan 3:16). Maaari tayong mahigpit na kumapit sa Kanya.
No comments:
Post a Comment