Matapos mamatay ang kanyang asawa, nadama ni Fred na kaya niyang tiisin ang sakit hangga't nag-aalmusal siya sa Lunes kasama ang kanyang mga kaibigan. Ang kanyang mga kapwa retirado ang nagpasigla sa kanyang kalooban. Sa tuwing dumarating ang kalungkutan, iisipin ni Fred ang susunod na pagkakataong masisiyahan siyang muli sa kanilang pagsasama. Ang kanilang mesa sa sulok ay ang kanyang ligtas na lugar mula sa kalungkutan.
Sa paglipas ng panahon, gayunpaman, natapos ang mga pagtitipon. Nagkasakit ang ilang kaibigan; ang iba ay pumanaw. Ang kawalan ng laman ay nagbunsod kay Fred na humanap ng aliw sa Diyos na nakilala niya noong kanyang kabataan. “Nag-aalmusal ako ngayon,” ang sabi niya, “ngunit natatandaan kong pinanghahawakan ko ang katotohanang kasama ko si Jesus. At kapag umalis ako sa kainan, hindi ako umaalis para harapin ang natitirang mga araw ko nang mag-isa."
Gaya ng salmista, natuklasan ni Fred ang kaligtasan at kaaliwan ng presensiya ng Diyos: “Siya ang aking kanlungan . . . kung kanino ako nagtitiwala” (Awit 91:2). Nalaman ni Fred ang kaligtasan hindi bilang isang pisikal na lugar na pagtataguan, ngunit bilang matatag na presensya ng Diyos na mapagkakatiwalaan at mapagpahingahan natin (v. 1). Parehong natagpuan ni Fred at ng salmista na hindi nila kailangang harapin ang mahihirap na araw nang mag-isa. Makatitiyak din tayo sa proteksiyon at tulong ng Diyos. Kapag tayo ay bumaling sa Kanya nang may pagtitiwala, Siya ay nangangako na tutugon at sasamahan tayo (vv. 14-16).
Mayroon ba tayong ligtas na lugar, isang “corner table” na pinupuntahan natin kapag mahirap ang buhay? Hindi ito magtatagal ngunit ang Diyos ay magtatagal. Hinihintay Niya tayong pumunta sa Kanya, ang ating tunay na kanlungan.
No comments:
Post a Comment