Habang nagbabakasyon, nag-enjoy kaming mag-asawa sa ilang pagbibisikleta sa umaga. Isa sa mga ruta ay dumaan sa isang lugar ng mga bahay na nagkakahalaga ng milyon-milyon. Nakakita kami ng iba't ibang tao—mga residenteng naglalakad ng kanilang mga aso, kapwa nagbibisikleta, at maraming manggagawa na nagtatayo ng mga bagong bahay o nag-aalaga ng maayos na taniman. Ito ay pinaghalong mga tao mula sa lahat ng antas ng pamumuhay, at naalala ko ang isang mahalagang katotohanan. Walang tunay na pagkakaiba sa amin. Mayaman man o mahirap. Maykaya o manggagawa. Kilala o hindi. Lahat kami sa kalsadang iyon ng umaga ay pareho. "Mayaman at dukha ay magkasamang nilikha ng Panginoon" (Kawikaan 22:2). Sa kabila ng pagkakaiba, lahat tayo ay nilikha sa larawan ng Diyos (Genesis 1:27).
Pero meron pa. Ang pagiging pantay-pantay sa harap ng Diyos ay nangangahulugan din na anuman ang ating kalagayang pangkabuhayan, panlipunan, o etniko, lahat tayo ay isinilang na may kondisyong kasalanan: “lahat ay nagkasala at hindi nakaabot sa kaluwalhatian ng Diyos” (Roma 3:23). Lahat tayo ay masuwayin at pare-parehong nagkasala sa harap Niya, at kailangan natin si Jesus.
Madalas nating hatiin ang mga tao sa mga grupo para sa iba't ibang dahilan. Ngunit, sa katotohanan, lahat tayo ay bahagi ng sangkatauhan. At kahit na lahat tayo ay nasa parehong sitwasyon—mga makasalanang nangangailangan ng isang Tagapagligtas—maaari tayong "mawalang-sala nang malaya" (ginawang matuwid sa Diyos) sa pamamagitan ng Kanyang biyaya (v. 24).
No comments:
Post a Comment