Monday, February 17, 2025

Si Jesus, Ang Ating Kapayapaan

Napangiwi si Joan nang makita niya ang post ni Susan sa social media. Ipinakita ng larawan ang sampung kaibigan mula sa simbahan na nakangiti sa paligid ng isang mesa sa isang restaurant. Pangalawang beses na ngayong buwan na nagkakasayahan sila—nang wala siya. Pumikit si Joan upang pigilan ang kanyang mga luha. Hindi man siya laging nakakasundo ang iba, pero ganunpaman. Ang hirap isipin na dumadalo siya sa simbahan kasama ang mga taong hindi naman siya isinasama!
Kayang-kayang isipin na parang nangyari ito noong unang siglo! Ang pagkakaroon ng mga grupo, hindi pagsasama ng iba, at paghahati-hati dahil sa pagkakaiba ay hindi bagong suliranin—mula pa noon, bahagi na ito ng ating pagkatao. Ngunit dumating si Jesus na may isang radikal na misyon: ang pag-isahin ang mga tao at pagalingin ang mga sugat ng pagkakawatak-watak.
Mula pa sa simula ng simbahan, ang mga taong hindi magkasundo ay tinawag upang magkaisa sa Kanya. Isipin na lamang ang matinding pagkakahati sa pagitan ng mga Hudyo at mga Hentil. Ang mga Hudyo ay ipinagmamalaki ang kanilang pagsunod sa batas at inakalang ito ang nagpapataas sa kanila, samantalang kinamumuhian naman sila ng mga Hentil dahil sa kanilang pagiging mapagmataas at tila hindi bukas sa iba. Malalim ang alitan, isang di-nakikitang pader ng pagkakahati ang namamagitan sa kanila. Ngunit dumating si Jesus upang gibain ito. Sinasabi sa atin ng Kasulatan na ginawa Niya silang iisang grupo, winasak ang pader ng hidwaan, at pinawalang-bisa ang kautusan na naghihiwalay sa kanila sa pamamagitan ng Kanyang sakripisyo (Efeso 2:14-15).
Isang rebolusyonaryong pangyayari ito. Hindi na batayan ang pagsunod sa batas upang maging katanggap-tanggap sa Diyos. Sa halip, si Jesus mismo ang naging sukatan ng pananampalataya. Ang tanong ngayon: Tatanggapin ba ng mga Hudyo at Hentil ang pagkakaisang ito at iiwanan ang kanilang mga hidwaan upang maging isa kay Cristo?
Ang sagot ay nasa kanila. Ipinangaral ni Jesus ang kapayapaan sa mga Hentil na "malayo" sa tipan ng Diyos at sa mga Hudyo na "malapit" (Efeso 2:17). Iisa ang mensahe, ngunit magkaiba ang dating sa bawat isa. Ang mga Hudyo, na nag-aakalang sila ang mas mabuti, ay kailangang magpakumbaba at amining hindi sila nakahihigit. Samantalang ang mga Hentil, na palaging tinatanggihan at minamaliit, ay kailangang maniwalang hindi sila mababa sa paningin ng Diyos. Pareho silang kailangang huminto sa paghusga sa isa’t isa at sa halip ay ituon ang kanilang pansin kay Cristo, na lumikha ng "isang bagong sangkatauhan mula sa dalawa, kaya nagdudulot ng kapayapaan" (Efeso 2:15).
At hanggang ngayon, nananatili ang hamong ito.
Nakaramdam ka na ba ng pagiging iniwan o hindi isinama? Masakit iyon. Mali iyon. Ngunit sa gitna ng sakit, may panawagan si Cristo: maging tagapagtaguyod ng kapayapaan. Hindi nakasalalay sa iba ang ating halaga—si Jesus mismo ang ating kapayapaan. Hindi Niya nais na tayo’y manatili sa pagkakahati kundi maging instrumento ng pagkakasundo, nagpapakita ng Kanyang pagmamahal at biyaya sa iba.
Kaya sa tuwing mararamdaman mong hindi ka kabilang, kapag ang lungkot ay dumaloy sa iyong puso, tandaan mo ito: Ikaw ay lubos na kilala, lubos na minamahal, at lubos na tinanggap ni Cristo. Hayaan mong ang katotohanang ito ang magpatibay ng iyong loob habang ikaw ay nagsisikap na bumuo ng tulay, sa halip na pader. Si Jesus ang ating pagkakaisa, at sa Kanya, tayo ay iisa.

No comments:

Post a Comment