Tuesday, June 3, 2025

Muling Nabuhay na Pag-asa

Nagtaka si Thia. Bakit palaging nasa aklatan ang kanyang labing-walong taong gulang na anak nitong mga araw na ito? Ang kanyang anak, na may autism at bihirang makipag-usap kaninuman, ay karaniwang umuuwi agad pagkatapos ng klase. Ano ang nagbago?
Nang mapilit, sumagot din ang anak: “Nag-aaral kasama si Navin.”
Si Navin, ayon sa kwento, ay isang kamag-aral na napansing nahihirapan ang anak ni Thia sa klase at inanyayahan itong mag-aral kasama siya. Ang umuusbong na pagkakaibigang ito—ang una sa loob ng labing-walong taon—ay labis na nagpasaya sa nawalan nang pag-asa na ama, na inakalang hindi na magkakaroon ng kaibigan ang kanyang anak.
Muling nabuhay ang pag-asa dahil may isang taong nagmalasakit at lumapit sa kapwa na nangangailangan ng tulong. Minsan, isang simpleng kilos ng malasakit—isang tahimik na presensya, isang mabait na salita, o isang bukas na pakikinig—ang sapat na upang magbigay-liwanag sa pusong pagod at nalulumbay. Sa isang mundong maraming nakakaramdam ng pagiging hindi nakikita o nalulunod sa bigat ng buhay, ang pagpapasya ng isang tao na umalalay ay maaaring maging simula ng pagbabago sa buhay ng iba. Isa itong kagandahang-loob na nagpapakita ng malasakit ng tao, at larawan din ng pag-ibig na nais ng Diyos na ipakita natin sa isa’t isa.
Malalim ang pagkaunawa ni apostol Pablo sa prinsipyong ito sa kanyang ministeryo sa mga unang iglesia. Alam niya na ang pag-asa—lalo na ang pag-asang kaugnay ng kaligtasan at pagbabalik ni Cristo—ay hindi dapat pasanin nang mag-isa. Sa kanyang unang sulat sa mga taga-Tesalonica, hinimok ni Pablo ang mga tagasunod ni Jesus na “maging gising at mapagpigil” (1 Tesalonica 5:6), mamuhay nang may layunin, kalinawan, at pananabik sa pagbabalik ng Panginoon. Ngunit batid din niyang upang magawa ito, lalo na sa gitna ng kahirapan at panghihina, kailangan ng mga mananampalataya ang isa’t isa. Kaya’t sinabi niya: “palakasin ninyo ang loob ng isa’t isa at magpatibayan kayo sa isa’t isa” (talata 11).
Bagaman kilala na ang mga taga-Tesalonica sa kanilang pagmamahal sa Diyos at pamumuhay na kalugud-lugod sa Kanya (4:1, 10), pinaalalahanan pa rin sila ni Pablo na ang tunay na pag-ibig ay umaabot sa mga nahihirapan. “Palakasin ang loob ng mga pinanghihinaan, tulungan ang mahihina,” kanyang idinagdag (5:14). Sa madaling salita, ang sukatan ng espirituwal na kasiglahan ay hindi lamang nasusukat sa sariling debosyon kundi sa kung paano natin inaalalayan ang mga nanghihina.
Kapag pinansin natin ang mga kapwa mananampalataya na natatakot, balisa, o nalulumbay, at nilapitan natin sila—hindi upang agad lutasin ang kanilang suliranin kundi upang ipadama na hindi sila nag-iisa—nagiging kasangkapan tayo ng Diyos upang buhayin muli ang kanilang pag-asa. Maaaring ito'y sa pamamagitan ng isang simpleng salita ng pag-asa, tahimik na pakikiisa, o pag-upo sa tabi nila. Sa ganitong paraan, kumikilos ang Diyos upang palakasin sila at bigyan ng lakas ng loob upang patuloy na kumapit kay Jesus.
Sa mga sandaling ito, tayo’y nakikibahagi sa banal na gawain ng Diyos. Tayo’y nagiging kasangkapan ng Kanyang biyaya, tumutulong sa iba na patuloy na umasa—kay Jesus, sa Kanyang mga pangako, at sa katotohanang sila’y tunay na minamahal.

No comments:

Post a Comment