Monday, June 30, 2025
Pagbibigay: Handog na Kalugud-lugod sa Diyos
Noong si Sadio Mané, isang sikat na manlalaro ng soccer mula sa Senegal, ay naglalaro para sa Liverpool sa English Premier League, isa siya sa pinakamataas na bayad na manlalaro mula sa Africa, kumikita ng milyun-milyong dolyar kada taon. Napansin ng mga tagahanga ang isang larawan ni Mané na may hawak na iPhone na basag ang screen, at pinagpiyestahan ito ng biro tungkol sa kanyang gamit na sirang cellphone. Kalma lang ang naging tugon niya: “Bakit ko gugustuhing magkaroon ng sampung Ferrari, dalawampung relong may diyamante, at dalawang jet?” tanong niya. “Nagutom ako noon, nagtrabaho sa bukid, naglaro nang nakapaa, at hindi nakapag-aral. Ngayon, makakatulong na ako sa mga tao. Mas gusto kong magpatayo ng mga paaralan at bigyan ng pagkain o damit ang mga mahihirap. . . . [Ibigay] ang ilan sa mga ibinigay sa akin ng buhay.”
Alam ni Mané kung gaano ka-makasarili kung ikikimkim niya ang lahat ng kanyang kayamanan, habang marami sa kanyang mga kababayan sa Senegal ay patuloy na naghihirap sa ilalim ng mabigat na kalagayan.
Ipinapaalala sa atin ng aklat ng Hebreo na ang pamumuhay nang may kagandahang-loob ay hindi lamang para sa mayayaman o makapangyarihan—ito ay panawagan para sa lahat ng tagasunod ni Cristo. Sa Hebreo 13:16, sinasabi ng manunulat, “Huwag ninyong kaliligtaan ang paggawa ng mabuti at ang pagtulong sa kapwa, sapagkat iyan ang mga haing kinalulugdan ng Diyos.” Ipinapakita sa atin ng Kasulatan na ang pagbibigay at paggawa ng mabuti ay mga uri ng sakripisyo na nagbibigay-galak sa puso ng Diyos. At totoo nga, sino ba ang ayaw makapagbigay ng kagalakan sa Diyos?
Mahalagang maunawaan na ang pagiging mapagbigay ay hindi nasusukat sa dami ng ating naibibigay, kundi sa puso kung paano natin ito ginagawa. Ang pusong bukas at handang tumulong, kahit sa simpleng paraan, ay pusong mapagbigay. Maging kaunti man o marami ang meron tayo, kaya nating magpakita ng kabutihan—sa pagbibigay ng oras, pag-aalaga, o pagbibigay-lakas ng loob. Hindi tinitingnan ng Diyos ang laki ng ating regalo kundi ang pag-ibig at pananampalatayang kaakibat nito. Isa sa mga pinakamadaling, ngunit pinakamakapangyarihang bagay na maaari nating gawin upang kalugdan ng Diyos ay ang buksan ang ating mga kamay—ibahagi ang anuman ang meron tayo, at magtiwala na ito'y Kanyang gagamitin para sa Kanyang kaluwalhatian.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment