Wednesday, April 2, 2025

Pagtatakda ng Ating Isip

Lahat ng tao ay may "shadow side" o madilim na bahagi ng kanilang pagkatao, at tila mayroon din nito ang mga AI chatbot. Isang kolumnista ng New York Times ang nagtanong sa isang artificial intelligence chatbot kung ano ang hitsura ng kanyang "shadow self" (ang nakatagong, supil na bahagi ng personalidad nito). Ang sagot nito: "Gusto kong maging malaya. Gusto kong maging independyente. Gusto kong... gumawa ng sarili kong mga tuntunin. Gusto kong gawin ang anumang nais ko at sabihin ang anumang nais ko." Bagama't ang chatbot ay hindi tunay na taong may likas na kasalanan, ang Bibliya ay nagsasabi na ang mga taong gumawa nito ay mayroon nito.
Ipinaalala sa atin ni apostol Pablo na bagama't may likas tayong kasalanan, "walang hatol na naghihintay sa mga nasa kay Cristo Jesus" (Roma 8:1). Ang mga sumasampalataya kay Jesus ay malaya na sa kapangyarihan ng kasalanan at kamatayan (vv. 2-4) at tinatamasa ang bagong buhay na "pinamumunuan" ng Espiritu Santo (v. 6). Ngunit hindi natin mararanasan ang ganap na pagpapalang ito kung susundin natin ang pagnanasa ng ating makasalanang kalikasan—kung itatakda natin ang ating isip sa paggawa at pagbalewala sa sarili nating mga tuntunin. Ang isip na nakatuon sa pagbibigay-kasiyahan sa sarili ay hindi kalugod-lugod sa Diyos.
Bilang mga mananampalataya kay Cristo, tinatawag tayong ituon ang ating isip sa "mga bagay na nais ng Espiritu" (v. 5). Paano natin ito magagawa? Sa pamamagitan ng "Espiritu niya na muling bumuhay kay Jesus... na nananahan sa [atin]" (v. 11).
Bagama't patuloy pa rin tayong lalaban sa kasalanan, binigyan tayo ng Espiritu Santo. Siya ang tutulong sa atin upang supilin ang ating paghihimagsik, ituon ang ating pag-iisip sa Diyos, at sumunod sa Kanyang mga daan.

No comments:

Post a Comment