Ang tunog ng drill ay nagpapakaba sa limang-taong gulang na si Sarah. Tumalon siya mula sa upuan ng dentista at tumanggi siyang bumalik. Tumango nang may pang-unawa ang dentista at sinabi sa kanyang ama, "Daddy, umupo ka sa upuan." Akala ni Jason ay dapat niyang ipakita sa kanyang anak kung gaano kadali. Pero bigla ay humarap ang dentista sa maliit na babae at sinabi, "Ngayon, umakyat ka at umupo sa kandungan ni Daddy." Dahil sa kanyang ama na ngayon ay hawak-hawak siya sa kanyang mapayapang mga bisig, lubos na nag-relax si Sarah, at nagpatuloy ang dentista sa kanyang trabaho.
Sa araw na iyon, natutunan ni Jason ang isang mahalagang aral tungkol sa kaginhawaan ng pagkakaroon ng kanyang makapangyarihang Ama. "Minsan, hindi kinukuha ng Diyos ang mga pinagdaraanan natin," sabi niya. "Pero ipinapakita sa akin ng Diyos, 'Nandito ako sa iyong tabi.'"
Binabanggit sa Awit 91 ang nakaaaliw na presensya at kapangyarihan ng Diyos na nagbibigay sa atin ng lakas upang harapin ang ating mga pagsubok. Ang pagkaalam na maaari tayong magpahinga sa Kanyang makapangyarihang mga bisig ay nagbibigay sa atin ng malaking katiyakan, tulad ng Kanyang pangako sa mga nagmamahal sa Kanya: “Tatawag siya sa akin, at sasagutin ko siya; Sasamahan ko siya sa kagipitan” (v. 15).
Maraming hindi maiiwasang hamon at pagsubok sa buhay, at hindi maiiwasang dumaan tayo sa sakit at pagdurusa. Ngunit sa mga bisig ng Diyos na nakayakap sa atin, kakayanin natin ang ating mga krisis at kalagayan, at hayaang palakasin Niya ang ating pananampalataya habang lumalago tayo sa mga ito.
No comments:
Post a Comment