Mayroong isang monumento sa kapilya ng Christ's College, Cambridge, England, na nakatuon sa dalawang doktor noong ika-labing pitong siglo, sina John Finch at Thomas Baines. Kilala bilang "hindi mapaghihiwalay na mag-kaibigan," nagtulungan sina Finch at Baines sa medikal na pananaliksik at naglakbay nang magkasama sa mga diplomatikong paglalakbay. Nang mamatay si Baines noong 1680, ikinalungkot ni Finch ang kanilang "unbroken marriage of souls" na tumagal ng tatlumpu't anim na taon. Ang kanilang pagkakaibigan ay naging bukod-tangi sa pag-ibig, tapat, at dedikasyon.
Ang pagkakaibigan nina Haring David at Jonathan ay kasing lapit din. Nagbahagi sila ng malalim na pagmamahalan (1 Samuel 20:41), at nagbigay pa ng mga pangakong dedikasyon sa isa't isa (vv. 8–17, 42). Ang kanilang pagkakaibigan ay itinampok ng matinding katapatan (19:1–2; 20:13), kung saan isinakripisyo ni Jonathan ang kanyang karapatan sa trono upang si David ay maging hari (20:30–31; tingnan ang 23:15–18). Nang mamatay si Jonathan, nagluksa si David na ang pag-ibig ni Jonathan sa kanya ay "mas kahanga-hanga kaysa sa pag-ibig ng mga babae" (2 Samuel 1:26).
Maaaring hindi tayo kumportable ngayon na inihahalintulad ang pagkakaibigan sa kasal, ngunit marahil ang pagkakaibigan tulad nina Finch at Baines at David at Jonathan ay maaaring makatulong sa ating sariling pagkakaibigan na maging mas malalim. Malugod na tinanggap ni Jesus ang Kanyang mga kaibigan na sumandal sa Kanya (Juan 13:23–25), at ang pagmamahal, katapatan, at pangako na ipinakita Niya sa atin ay maaaring maging batayan ng malalim na pagkakaibigan na binuo natin nang sama-sama.
No comments:
Post a Comment