Friday, September 9, 2016
Noah's Ark
Si Noah ay isang mabuting tao at siya ay sumasamba at tagasunod sa utos ng Panginoon. Sa panahong iyon ay nabalot ang mundo ng kasamaan. Nalulong ang mga tao sa bisyo, imoralidad at karahasan. Hindi nagustuhan ng Panginoon ang nagaganap sa mundo kaya nakapagdesisyon Siya na parusahan ang lahat ng makasalanan. Batid ng Diyos na si Noah ay natatangi sa lahat dahil sa kabutihan ng puso nito. Inutusan niya si Noah na gumawa ng arka na magagamit nila ng kanyang pamilya upang mailigtas ang sarili mula sa poot ng Panginoon. Kabilang sa pamilya ni Noah na sasakay ay ang pares napg ibat-ibang klase ng hayop. Bawat hayop ay magsasakay sila ng isang babae at isang lalaki. Sinunod ni Noah ang lahat ng bilin ng Diyos. Pitong araw mula nang matapos ang arka ay magpapadala ng ulan ang Panginoon. Papatak ito sa loob ng 40 araw ng walang tigil.
Natupad ang lahat ng ito sa edad ni Noah na 600. Walang tigil ang pag-ulan at umapaw ang lahat ng lamang-tubig na nagdulot nang matinding pagbaha sa buong mundo. Pati ang mga matatas na bundok ay naapawan na ng tubig. Tanging ang arka lamang ang makikita na lumulutang at hindi natabunan ng tubig. Lahat ng mga tao at hayop na hindi nakasakay sa arka ay nalunod at nasawi.
Tumagal ang baha sa loob ng 150 araw. Hindi kinalimutan ng Diyos si Noah. Nagpabuga Siya ng hangin at unti unting bumaba ang tubig. Tumigil na rin ang pag-ulan. Nanatili ang arka sa bundok ng Ararat.
Makalipas ang 40 araw ay nagpalipad si Noah ng uwak upang sumiyasat sa kondisyon sa labas, pero hindi na bumalik ang uwak. Kalapati naman ang pinalipad ni Noah, pagbalik nito ay may dala na itong sariwang dahon ng olive. Ito ay indikasyon na nagbalik na sa dati ang kondisyon ng mundo.
Sinabi ng Panginoon na maaari na si Noah na lumabas kasama ang pamilya at mga hayop at nawa'y ipagpatuloy ang lahi nila at magparami sa mundo.
Gumawa si Noah nang alay para sa Panginoon. Tinangap ito ng Panginoon at ipinangako na di na kailanman magpapadala ng baha upang lipulin ang lahat ng may buhay sa mundo. Hindi na kailanman masisira ang mundo ng dahil sa baha. Habang tuloy ang ikot ng mundo ay magkakaroon ng panahon nang pagtatanim at panahon nang ani. Makakaranas rin ng lamig, init, tagtuyot at tag-ulan, umaga at gabi.
Binasbasan ng Panginoon si Noah. Dadami ang angkan ni Noah at makakapanirahan sa ibat ibang bahagi ng mundo.
Ang bahaghari ay siyang magiging simbolo nang tipan ng Panginoon kay Noah at sa mga hayop na hindi na magugunaw ang mundo ng dahil sa baha.
Labels:
Inspirational Stories
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment