Masakit para kay Karen na makita ang kanyang ama na unti-unting nawawalan ng alaala. Malupit ang demensya, inaalis nito ang lahat ng gunita ng isang tao hanggang sa wala nang matirang bakas ng buhay na kanyang ipinamuhay.
Isang gabi, nagkaroon si Karen ng panaginip na pinaniniwalaan niyang ginamit ng Diyos upang palakasin ang kanyang loob. Sa panaginip, may hawak Siyang isang maliit na kahon ng kayamanan. "Lahat ng alaala ng iyong ama ay ligtas na nakatago rito," sinabi Niya kay Karen. "Aking iingatan ang mga ito sa ngayon. At isang araw, sa langit, ibabalik Ko ang lahat sa kanya."
Sa mga sumunod na taon, nagbigay ng kaaliwan kay Karen ang panaginip na ito tuwing hindi siya nakikilala ng kanyang ama. Naipapaalala nito sa kanya na pansamantala lamang ang sakit na ito. Dahil anak siya ng Diyos, muling ibabalik sa kanya ang lahat balang araw.
Nakakatulong ding alalahanin na inilarawan ni Pablo ang pagdurusa bilang “magaan at panandalian” (2 Corinto 4:17). Hindi ito nangangahulugan na madali o hindi mahalaga ang pagdurusa. Si Pablo mismo ay dumanas ng matinding paghihirap—siya ay binugbog, nabilanggo, nawasak ang sinasakyang barko, at inusig dahil sa kanyang pananampalataya (vv. 7-12). Alam niya mismo kung gaano kabigat ang pagdurusa. Gayunpaman, itinuro niya ang isang mas dakilang katotohanan: sa malawak na saklaw ng kawalang-hanggan, ang ating mga pagsubok, gaano man kahirap, ay pansamantala lamang. Kung ihahambing sa walang hanggang kaluwalhatiang naghihintay sa atin kay Cristo, ang ating mga paghihirap ay panandalian at magaan.
Ang mga salita ni Pablo ay nag-aanyaya sa atin na baguhin ang ating pananaw. Kapag tayo ay labis na nahihirapan sa sakit, kalungkutan, o mga pagsubok, maaaring pakiramdam natin ay hindi na ito matatapos. Ngunit sa pamamagitan ng pananampalataya, maaari nating tingnan ang ating pagdurusa sa lente ng kawalang-hanggan. Ang mga pagpapalang mayroon na tayo kay Jesus—ang Kanyang pagmamahal, presensya, at kaligtasan—ay isang sulyap pa lamang ng higit pang kaluwalhatiang mararanasan natin balang araw kasama Siya. Ang kagalakan, kapayapaan, at ganap na pagpapanumbalik na ipinangako ng Diyos ay walang hanggang hihigit sa anumang pagdurusang ating pinagdaraanan sa buhay na ito (v. 17).
Dahil sa Diyos at sa Kanyang mga pangako, maaari nating piliing huwag panghinaan ng loob. Kahit sa gitna ng pagdurusa, maaari tayong magtiwala na Siya ay kumikilos sa ating sakit, pinalalakas at pinapino tayo. Araw-araw, habang tayo ay umaasa sa Kanyang kapangyarihan, binabago Niya ang ating kalooban (v. 16), binibigyan tayo ng biyaya at tibay ng loob upang magpatuloy.
Kaya’t ituon natin ang ating paningin hindi sa ating kasalukuyang paghihirap kundi sa walang hanggang mga pangako ng Diyos (v. 18). Panghawakan natin ang pag-asa na pansamantala lamang ang ating pagdurusa, ngunit ang Kanyang kaluwalhatian ay magpakailanman. Anuman ang ating hinaharap ngayon, maaari tayong magpatuloy sa pananampalataya, na may katiyakang kailanman ay hindi mabibigo ang Kanyang mga pangako.
No comments:
Post a Comment