Saturday, September 27, 2025
Ang Sikreto ng Kapanatagan
Paikot nang paikot, si Katie Ledecky ay nasa pamilyar na posisyon sa 1500-meter freestyle race sa 2024 Paris Olympics. Sa loob ng humigit-kumulang labinlimang minuto, malayo siya sa ibang mga manlalangoy at mag-isa sa kanyang mga isipin. Ano kaya ang iniisip ni Ledecky habang tumatakbo ang mahabang laban? Sa isang panayam kaagad matapos ang kanyang pagkapanalo ng gintong medalya kung saan nakapagtala siya ng bagong Olympic record, sinabi ni Ledecky na iniisip niya ang kanyang mga kasamang nagsasanay at paulit-ulit na binabanggit ang kanilang mga pangalan sa kanyang isipan.
Ang mga manlalangoy sa malalayong distansya ay hindi lamang ang mga kailangang ituon ang kanilang isipan sa tamang mga bagay. Tayong mga nananampalataya kay Jesus ay kailangang bantayan din ang ating mga iniisip habang naglalakbay sa pananampalataya. Tulad ng mga atleta na sinasanay ang kanilang isipan upang manatiling matatag at iwasan ang mga sagabal sa mahabang karera, kailangan din nating maging maingat kung saan natin hinahayaan na manatili ang ating mga pag-iisip habang tinatakbo natin ang karerang espiritwal. Madali tayong madala ng takot, pag-aalala, galit, o tukso, ngunit tinatawag tayo ng Diyos sa isang mas mataas na pamantayan ng pag-iisip.
Hinimok ng apostol Pablo ang iglesya sa Filipos na “magalak sa Panginoon,” huwag “mabalisa tungkol sa anumang bagay, kundi ipanalangin ang lahat” (Filipos 4:4, 6). Sa halip na hayaan ang pag-aalala na manaig, inaanyayahan tayong dalhin ang bawat alalahanin sa Diyos sa panalangin at magtiwala sa Kanyang mapagmahal na pag-aalaga. Ano ang bunga nito? “Ang kapayapaan ng Diyos, na hindi kayang abutin ng pag-iisip ng tao, ang siyang mag-iingat sa inyong mga puso at pag-iisip kay Cristo Jesus” (v. 7). Si Jesus, ang Prinsipe ng Kapayapaan, ang tumutulong upang mailagay sa tamang pananaw ang ating mga kabalisahan at problema at pinupuno tayo ng kapanatagang hindi maibibigay ng mundo.
Pinaalalahanan din ni Pablo ang mga mananampalataya tungkol sa kahalagahan ng ating pinipiling pag-isipan: “Anumang bagay na totoo, kagalang-galang, matuwid, dalisay, kaibig-ibig, kapuri-puri—kung mayroong anumang bagay na marangal o kanais-nais—ito ang inyong isipin” (v. 😎. Ang ating mga iniisip ay humuhubog sa ating mga saloobin, at ang ating mga saloobin ay humuhubog sa ating mga gawa. Sa pagtutok sa mga bagay na sumasalamin sa katangian ng Diyos—katotohanan, kagandahan, kabutihan, at kadalisayan—inaanyayahan natin ang Kanyang kapayapaan na manahan sa atin at patnubayan ang ating mga hakbang.
Habang lumilipas ang ating araw, maging maingat tayo kung saan napapadpad ang ating isipan. Kapag nakita natin ang kamay ng Diyos na gumagalaw sa ating buhay, maaari nating bilangin ang ating mga pagpapala, alalahanin ang Kanyang mga pangako, at sambahin Siya nang may pusong mapagpasalamat. Tulad ng isang manlalangoy na nakatuon ang paningin sa layunin sa kabila ng haba ng karera, maaari rin nating ituon ang ating isipan kay Cristo, na ang presensya ang magpapanatili at gagabay sa atin hanggang sa matapos ang karera ng pananampalataya.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment