Isang fresh graduate na mahusay sa akademiya ang nag-aapply bilang isang manager sa isang malaking kumpanya. Nakapasa siya sa unang interview at ang huling mag-iinterview sa kanya ay ang director mismo ng kumpanya at siyang magdedesisyon ng kanyang kapalaran. Nakita ng director sa records ng aplikante na napakahusay nito sa iskwela at napakaraming achievements nito mula sekondarya hanggang sa nakapagtapos.
Iskolar ka ba sa eskwelahan niyo? tanong ng director.
Hindi po ako iskolar, sagot niya.
Director: Ang tatay mo ba ang nagbabayad ng tuition fee mo?
Aplikante: Namatay ang tatay ko nung ako ay isang taong gulang pa lamang, ang nanay ko ang nagbabayad ng tuition fee ko.
Director: Saan ba nagtratrabaho ang nanay mo?
Aplikante: Labandera po ang nanay ko
Hiniling ng director na makita ang mga kamay ng aplikante. Napakakinis at tila perpekto ang kamay ng aplikante.
Director: Tinutulungan mo ba ang nanay mo sa paglalaba?
Aplikante: Hindi po, gusto kasi ni nanay na lagi akong mag-aral at magbasa. Isa pa mas mabilis naman si nanay maglaba kesa sa akin.
Director: Meron akong isang hiling. Kapag nakauwi ka na sa inyo, linisin mo ang mga kamay ng nanay mo at bumalik ka dito bukas ng umaga.
Pakiramdam ng aplikante na mataas ang posibilidad na siya ay matanggap sa trabaho. Nang makauwi siya, masaya niyang sinabi sa kanyang ina na lilinisin niya ang mga kamay nito. Bahagyang nanibago ang ina, at masaya nitong ipinakita ang mga kamay sa anak. Dahan-dahan sa paglilinis ng kamay ang aplikante. Napaluha siya habang ginagawa ito. Ngayon lamang niya napansin na napakakulubot na ang kamay ng kanyang ina at marami pa itong gasgas. May ibang gasgas na masakit at nanginginig pa ang ina ng kanya itong banlawan ng tubig.
Na-realized ng aplikante na ang mga kamay na ito ay walang tigil sa paglalaba araw-araw para siya lamang ay may ipambayad sa kanyang paaralan. Ang mga gasgas sa kamay ng ina ang naging kapalit para siya ay makapagtapos at magkaroon ng magandang kinabukasan. Matapos linisin ang kamay ng ina ay tinapos na rin ng aplikante ang labahin na hindi pa natatapos labhan ng ina. Noong gabi rin iyon ay nag-usap ang mag-ina ng matagal. Kinaumagahan ay bumalik ang aplikante sa opisina.
Napansin ng director na namamaga ang mata ng aplikante dahil sa pag-iyak.
Director: Pwede mo bang sabihin sa akin kung ano ang ginawa mo at natutunan kagabi sa inyong bahay?
Aplikante: Nilinis ko ang kamay ni nanay at tinapos ko na rin labhan ang mga labada niya.
Director: At ano ang naramdaman mo?
Aplikante: Una, alam ko na ang pagpapahalaga. Kung wala si nanay ay hindi ko mararating kung ano ako ngayon. Ikalawa, sa pamamagitan ng pagtulong ko kay nanay, narealize ko ang hirap at pagod para matapos ang isang gawain. Ikatlo, ngayon naiintindihan ko na dapat pahalagahan at panatilihin ang magandang samahan ng isang pamilya.
Director: Iyan ang hinahanap ko na katangian para sa isang manager. Isang taong may pagkilala sa tulong ng iba, yung ramdam ang paghihirap ng iba para lamang matapos ang kanyang gawain, isang taong hindi lamang pera ang layunin sa buhay. Tanggap ka na.
Kapag ang isang tao ay hindi naranasan at naiintindihan ang hirap ng isang mahal sa buhay para siya ay mabigyan lamang ng maginhawang buhay, ay hindi nila ito kailanman pahahalagahan. Importanteng maranasan mo ang hirap at matutunang pahalagahan ang ginagawa nila kapalit ng ibinibigay nila na kaginhawaan.
No comments:
Post a Comment