Saturday, August 2, 2025
Nakatawid Mula sa Kamatayan Tungo sa Buhay
Isang pamilya na matagal nang nawalan ng ugnayan sa kanilang anak at kapatid na si Tyler ang nakatanggap ng isang urn na sinabing naglalaman ng kanyang abo matapos siya raw ay cremated. Dalawampu’t dalawang taong gulang lamang si Tyler, at ayon sa ulat, siya ay namatay dahil sa overdose ng droga. Sa loob ng ilang taon, pinagdusahan ni Tyler ang epekto ng kanyang pagkagumon sa droga at masasamang desisyon.
Ngunit bago ang iniulat na overdose, siya ay nagbagong-buhay—naging malinis mula sa droga matapos mamalagi sa isang pasilidad para sa mga taong unti-unting bumabalik sa normal na pamumuhay at matagumpay na makatapos ng isang addiction recovery program.
Maya-maya, isang nakakagulat na balita ang lumabas—buhay pala si Tyler! Napagkamalan siya ng mga awtoridad bilang ibang kabataang lalaki na totoong namatay sa overdose.
Kalaunan, nang muli silang magkita ng kanyang pamilya at pag-isipan ang nangyari sa kabataang totoong namatay, sinabi ni Tyler, “Puwede rin sanang ako ‘yon.”
Dumating ang panahon na hinarap ng mga Israelita ang isang katotohanang napakabigat—na sila ay itinuring na patay, kahit na sila ay buhay pa. Sa isang awit ng panaghoy, sinabi ng propetang si Amos ang mga salitang ito para sa mapaghimagsik na bayan ng Diyos: “Bumagsak ang Israel na birhen, at hindi na muling makakatindig” (Amos 5:2). Isang pahayag na tiyak na ginigising ang puso—patay na sila? Totoo nga bang wala na silang pag-asa?
Ngunit sa gitna ng hatol, naroon pa rin ang malasakit at awa ng Diyos. Sa pamamagitan ni Amos, sinabi ng Diyos: “Hanapin ninyo ako at kayo'y mabubuhay” at “Hanapin ninyo ang mabuti, hindi ang masama, upang kayo’y mabuhay. Kung magkagayon, ang Panginoon, ang Diyos na Makapangyarihan sa lahat, ay sasainyo” (talata 4 at 14). Hindi ito basta paalala lamang—ito ay paanyaya ng Diyos na magbabalik ng buhay. Bagamat ang Israel ay nabuhay sa kasalanan at lumayo sa Diyos, inanyayahan pa rin sila ng Diyos na lumapit sa Kanya at makatagpo ng panibagong buhay.
Hanggang ngayon, makapangyarihan pa rin ang mensaheng ito. Ang kasalanan ay maaaring humadlang sa ating relasyon sa Diyos, ngunit hindi ito kailangang maging huling kabanata ng ating buhay. Tulad ng mga Israelita, inaanyayahan tayong tumugon. Sa halip na itago o idahilan ang ating kasalanan, tinatawag tayong ikumpisal ito—dalhin sa Diyos na kilala na tayo, iniibig tayo, at handang magpatawad.
Tulad ng sinabi ni Jesus sa Juan 5:24, “Ang nakikinig sa aking salita at sumasampalataya sa nagsugo sa akin ay may buhay na walang hanggan. Hindi na siya hahatulan kundi nakatawid na siya mula sa kamatayan tungo sa buhay.”
Sa Kanyang pag-ibig, iniaakay tayo ng Diyos mula sa kamatayan patungo sa buhay. Ang kailangan lang natin ay tumugon—hanapin Siya, talikuran ang mali, at lumakad sa buhay na iniaalok Niya nang may pagmamahal.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment