Naniniwala ang indie actor na si Kiko Matos na malalampasan ng kaibigan niyang si Baron Geisler ang panibagong pagsubok na kinakaharap nito bunga ng sigalot na nangyari sa kapwa aktor na si Ping Medina.
Kabilang si Kiko sa mga dumalo sa press conference nitong Martes para sa pelikulang kalahok sa Metro Manila Film Festival (MMFF) na "Kabisera," na pinagbibidahan ni Nora Aunor.
Paliwanag din ng aktor, nagkataon lang at walang kinalaman ang social experiment at documentary film na ginawa nila ni Baron sa nangyaring insidenteng kinapalooban naman ni Ping at ni direk Arlyn dela Cruz sa isang indie movie.
Ikinalulungkot daw ng aktor ang nangyayari kina Baron at Ping na kapwa niya kaibigan, at maging kay direk Arlyn.
Kamakailan lang, nagdesisyon ang Professional Artist Managers, Inc. (PAMI) na pagbawalan ang kanilang talents na makatrabaho si Direk Arlyn at si Baron, kasunod ng mga inihain na reklamo ng kampo ni Ping.
Naaawa man siya sa kaibigan, iginiit ni Kiko na kailangang harapin ni Baron ang nangyari.
“I feel sorry for Baron. Pero may ginawa siya, at may consequences 'yon. May mga ginagawa tayo na hindi natin alam ang kalalabasan, pero dahil ginawa mo 'yun, kailangan harapin mo. Kung may payo ako sa kaniya, 'yon ang bibigay ko,” saad ni Kiko.
“Kaibigan ko si Baron at Ping at katrabaho ko si Direk Arlyn. Kasama rin ako sa 'Bubog.' Ayoko munang mag-comment sa nangyayari sa kanila kasi mahirap na. It's hard to take sides right now,” dagdag pa ng aktor.
Bilang isang kaibigan, nasaksihan na umano ni Kiko ang pag-uugali ni Baron, lalo na kapag nagkakainuman sila.
Gayunpaman, iniiwasan na lang umano niya ang sama ng loob at iniisip ang masasayang alaala ng kanilang pagkakaibigan.
“Si Baron kasi, in my opinion, you need to have a certain level of understanding for him, to appreciate him and accept him. Nakasama ko na siya sa bahay ko, ilang beses, nagkainuman kami. Marami siyang ginawa na pinalampas ko na lang. Kasi after everything, naging masaya tayo. Ayoko rin naman ma-feel niya na naging kaibigan ko siya para lang ma-expose siya. Kung anoman 'yung ginawa niya, sa akin na 'yon,” paliwanag niya.
Matapos kumalat sa social media ang isyu sa pagitan ni Baron at Ping, sinubukan raw ni Kiko na kausapin ang kaibigan.
“Mabigat ang pinagdaraanan niya. I've been trying to text him. Sumasagot naman, pero mahahalata mo naman na kailangan munang pabayaan. Halos lahat na ng tao, mine-message siya, tinatanong. Siyempre, mahirap 'yon. Naranasan ko ring maging viral at tanungin ng lahat ng tao, ma-bash ng lahat. Alam ko ang pinagdaraanan niya,” aniya.
Naniniwala si Kiko na malalampasan ni Baron ang kaniyang pinagdaraanan, lalo na't hindi naman ito ang unang beses na nasangkot ang aktor sa isyu at nag-viral pa sa social media.
May iilan mang nagsasabi na kailangan nang ipasok si Baron sa rehabilitation center, para kay Kiko, kailangan lamang nito ng isang kaibigan makakaunawa at makakatanggap sa kaniya.
“Kailangan niya lang ng kaibigan na nakasuporta sa kaniya. Matibay si Baron, yung mga issue na ito, kaya niyang daanan 'yan. Hindi naman ito ang first time na nagkaroon siya ng issue at nag-viral. Kayang-kaya niya 'yon. Ang tapang niya,” ayon pa kay Kiko.
Payo niya sa mga susunod na makakaharap ni Baron; “Si Baron, alam ko kung paano siya laruin: Kapag nagalit siya, tumakbo ka na lang. Huwag ka nang lumapit. Bago pa siya may gawin sa'yo, lumayo ka na. Kapag kalmado na siya, doon mo balikan. 'Yon lang ang technique kay Baron,” ayon kay Kiko na nagsabing handa siyang tumulong kay Baron sakaling kailanganin nito ng kaibigang masasandalan.
FRJ, GMA News
From: http://www.msn.com
No comments:
Post a Comment